ISINULONG ng Senado ang imbestigasyon sa serye ng insidente ng hacking at data breach sa mga government agencies.
Nakasaad sa Senate Resolution 829 na inihain ni Hontiveros na nais nito na imbestigahan ng kinauukulang komite ng Senado ang mga insidente ng hacking at data breach sa mga websites ng ilang government agencies. .
Ipinasisilip din kung sapat ba ang mga umiiral na cybersecurity measures at kahandaan ng pamahalaan laban sa mga malisyosong cyberattacks.
Tinukoy sa resolusyon ang cyberattack ng Medusa ransomware sa PhilHealth noong September 22, ang data breach sa Community-Based Monitoring System ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong October 12 at pinakahuli ang hacking sa website ng House of Representatives nito lamang October 15.
Base sa resolusyon ni Hontiveros, ang breach sa personal at mga sensitibong impormasyon na nasa pag-iingat ng mga ahensya ng gobyerno ay naglalagay sa panganib sa kaligtasan at seguridad ng mga Pilipino at mas lalong naglalantad sa atin na mabiktima ng spams, online scams, phishing, financial fraud, extortion, blackmail at maging identity theft.
Nito lamang unang quarter ng 2023 , naitala ng PNP-Anti-Cybercrime Group ang 16,297 na iba’t ibang cybercrime cases hindi pa kasama rito ang libo-libong kaso na hindi pa nairereport.
Kasama rin sa ia-assess ng imbestigasyon ang kasalukuyang kapasidad ng pamahalaan para i-secure o pangalagaan ang mga critical strategic infrastructure mula sa mga cyberattacks at iba pang potensyal na mga banta.
LIZA SORIANO