SUMAKABILANG buhay na noong Martes si Palawan 3rd District Rep. Edward Hagedorn, na nagsilbing long-time mayor ng Puerto Princesa. Siya ay 76 taong gulang.
Ginawa ng kanyang tanggapan ang anunsyo sa pamamagitan ng kanyang opisyal na pahina sa Facebook ngunit hindi tinukoy ang sanhi ng kamatayan nito.
“Our dear Congressman died peacefully on October 3rd, 2023, after 76 years of shining his light into the world,” ayon sa pahayag.
Namatay ang mambabatas alas-4:09 ng umaga, ayon sa City Information Department ng Puerto Princesa.
Siya ang lokal na punong ehekutibo ng lungsod mula 1992 hanggang 2001, at mula 2002 hanggang 2013.
Noong nakaraang Pebrero, inihayag ni Hagedorn sa isang kaganapan na siya ay na-diagnose na may cancer. Kalaunan ay iniulat ng Palawan News na ito ay pancreatic cancer.
Sinabi ng opisina ni Hagedorn na hindi pa napag-uusapan ng kanyang pamilya ang anumang mga kaayusan sa public funeral service ngunit ipo-post nito ang mga detalye sa sandaling ma-finalize ang mga ito.