(Hahakutin ng DA) GULAY ‘DI MA-DELIVER SA METRO

Gulay

NAKAHANDA ang Department of Agriculture (DA) na tulungan ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang mga gulay sa gitna ng pinaiiral na enhanced community quarantine sa buong Luzon dahil sa coronavirus 2019 (COVID-19) outbreak.

Ayon kay DA Secretary William Dar, inatasan na niya ang kanyang regional directors na mag-deploy ng mga trak para hakutin ang mga gulay papuntang Metro Manila kasunod ng mga ulat na may ilang magsasaka ang itinatapon na lamang ang kanilang mga gulay dahil sa over supply at sa kawalan ng buyers.

“Kami na ang magdadala sa Metro Manila… Kapag naibenta, kami na ang magbabayad sa kanila,” wika ni Dar sa isang panayam sa radyo.

Kamakailan ay ilang  magsasaka sa Cordillera ang kinailangang itapon ang truckload ng carrots makaraang hindi ito maibenta sa La Trinidad Trading Post sa Benguet dahil sa mababang demand.

Makikipag-ugnayan din ang DA sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa local government units (LGUs) upang bilhin ang ani ng mga magsasaka, na ipamamahagi sa mga pamilya na apektado ng ECQ.

“Sila na ang bibili sa food supply na ilalagay sa food packs for distribution sa constituents nila,” dagdag ng kalihim.

Para mapalawak ang local food production, sinabi ni Dar na ipatutupad ng ahensiya ang “Plant, Plant, Plant” program sa gitna ng pangamba na mababawasan ang global supplies dahil sa COVID-19 pandemic.

Aniya, mamamahagi ang ahensiya sa mga magsasaka at LGUs ng mga buto ng gulay na maaaring anihin sa loob ng isang buwan.

Comments are closed.