‘HAIR SAMPLE’ SA DRUG TESTING

DRUG TESTING

UMANI ng suporta mula sa iba pang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang naunang panukala ni House Assistant Majority Leader at KABAYAN partylist Rep. Ron Salo na gamitin ang ‘hair sample’ o buhok ng isang indibidwal na isasalang sa random drug testing partikular sa hanay ng public school teachers, students at maging ang mga taga-gobyerno.

“I am always for evidence-based solutions,” ang tugon ni 1-Ang Edukasyon party­list Congressman Salvador “Bong” Belaro Jr., na member for the majority ng House Committee on Higher and Technical Education, sa nasabing rekomendasyon ng KABAYAN partylist solon.

Giit ng 1-Ang Edukasyon congressman, napatunayan sa siyentipikong pananaliksik na hindi madadaya ang ‘hair follicle-based testing’ kompara sa kadalasang pagbase sa ‘urine’ o ihi ng tao kapag ito’y ida-drug test.

Bukod kay Belaro, sang-ayon din sina 2nd District Leyte Rep. Henry Ong, na miyembro ng House Committee on Dangerous Drugs at partylist 1-PACMAN Rep. Michael Romero, na siya namang vice-chairman ng House Committee on Youth and Sports Development, na mas epektibo  ang ‘hair sample’ sa pagsasagawa ng drug testing.

Ayon kay Ong, kailangang itaas ang antas nang pamamaraan sa pagtukoy sa kung sinuman ang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, alinsunod na rin sa pagnanais ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magkaroon ng malawakan at mahigpit na kampanya laban sa illegal drugs.

Nauna rito, iminungkahi ng Leyte lawmaker na sumunod sa ‘Olympic-standard drug testing’ ang lahat ng student athletes at iba pang mga manlalaro sa lahat ng uri ng sports events o tournaments na isinasagawa sa bansa.

“Bukod pa sa mga batas ng bansa kontra ilegal na droga at drug abuse, kasama dapat ang UAAP, NCAA, Palarong Pambansa, Philippine National Games, at iba pang mga paligsahang pampalakasan sa mga patakaran kontra sa paggamit ng performance-enhancing drugs. Magkaroon dapat ng initiative ang DepEd at CHED hinggil dito,” dagdag ni Ong, na miyembro rin ng House Committee on Youth and Sports.

Sa panig ni Romero, sinabi nitong nakahanda siya sa paghahain ng panukalang batas na bukod sa layuning maging ‘drug-free athletes’ ang Filipinas ay masisiguro rin na ang ating “elected politicians, candidates for elective positions, and civil servants” ay hindi gumagamit ng ipinagbabawal na droga.

“I am therefore readying a bill requiring hair follicle-based testing for illegal drugs and other mind-altering chemicals to weed out drug dependents candidates for local government elective positions, as well as employees and applicants for regular, contractual, and casual positions in government,” pahayag ng mambabatas.

Irerekomenda rin niya sa House Committee on Constitutional Amendments na maging mandatory para sa lahat ng nasa ‘elective at appointive positions’ na sumailalim sa ‘hair follicle drug testing.’  ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.