BUSY ang maraming empleyado kaya’t kung minsan ay hindi na napapansin o naaalagaan ang kanilang mga buhok. Sa pagmamadali, hindi na nga napatutuyo ang buhok at kaunting suklay lang ay umaalis na kaagad ng bahay.
Kung tutuusin nga naman, mahirap din kasing i-maintain ang buhok. Kailangang alagaan itong mabuti. Ngunit paano nga ba mapananatiling maganda at maayos ang buhok? Paano nga ba ito maaalagaan kung maagang pumapasok at wala nang oras o panahong mag-ayos pa ng buhok?
Dahil isa ang buhok sa kailangang ingatan ng karamihan sa kababaihan lalo pa’t ito ang madalas o unang nakikita o napapansin sa isang tao, narito ang ilang tips na puwedeng subukan:
MAGING MAINGAT SA PAGKAIN
Maging maingat sa kinakain, iyan ang isa sa dapat nating isaisip nang mapanatiling malusog ang ating pangangatawan. Kapag healthy rin ang katawan, panigurado ring maganda at healthy ang buhok.
Kaya naman, maging maingat tayo sa kakainin. Hindi lahat ng gusto nating kainin ay puwede nating lantakan. Bago kumain, isipin muna kung nakatutulong ba ito sa katawan o hindi.
Pagkain nga naman ang isa sa hindi natin puwedeng hindian.
Gayunpaman, kung hindi tayo magiging maingat o mapili sa ating kakainin, magkakaproblema tayo sa ating kalusugan. Kasabay nito ay tiyak ding papangit ang buhok.
IWASAN ANG PAGGAMIT NG RUBBER BILANG PANTALI SA BUHOK
May mga panahong gusto nating talian ang buhok lalo na kung nagmamadali tayo o kaya naman, mainit ang panahon.
Gayunpaman, hindi lamang din pagkain ang kailangan nating ingatan kundi maging ang gagamiting pantali sa buhok. Mas maiging iwasan ang pagamit ng rubber na pantali dahil nakasisira ito ng buhok.
HUWAG TATALIAN ANG BUHOK KAPAG BASA
Bawat empleyado nga naman ay laging nagmamadali lalo na sa umaga. Para nga naman hindi ma-late. Kaya’t matapos maligo, magbihis at kumain ay umaalis na tayo ng bahay nang hindi pa napatutuyo ang ating buhok. At para rin hindi maging sagabal sa pagmamadali, kung minsan ay tinatalian na kaagad natin ito kahit na basa pa.
Isa rin sa dahilan kung kaya’t nasisira ang buhok ay kapag tinatalian ito kapag basa. Kaya’t dapat iwasan ang ganitong nakagawian.
MAGING MAINGAT SA PAGPAPATUYO NG BUHOK
Kapag basa ang buhok, mahina ito. Kaya para maiwasan ang pagkasira ng buhok, ingatan ang pagpapatuyo at gumamit ng towel. Pumili rin ng shampoo at conditioner na mild lang.
IWASAN ANG PAGGAMIT NG HAIR STRAIGHTENER
Marami sa atin ang mahilig sa hair straightener o blower. Pagkatapos nga namang maligo, para matuyo kaagad kung minsan ay ginagamitan natin ito ng blower. Para naman maging tuwid, gagamitan naman natin ng hair straightener.
Ang mga ganitong produkto ay nakapagpapasira ng buhok. Kaya hangga’t maaari ay hayaan lang na matuyo ng kusa ang buhok. Huwag ding dadalasan ang paggamit ng hair straightener.
Buhok nga naman ang kaagad na napapansin sa isang tao. Dahil diyan, marami ang ginagawa ang lahat upang mapanatili lang na maganda at maayos ang kanilang buhok. Gayunpaman, kahit na sabihing nag-aasam ang lahat ng kababaihan na maging healthy at maganda ang buhok, nangyayari pa rin iyong napababayaan ito at nagiging buhaghag. May mga panahon din naman kasing hindi natin ito maasikaso dahil sa kaabalahan.
Gayunpaman, sa tulong ng mga simpleng tips na nakalista sa itaas, maaari mo nang maalagaan at mapanatiling healthy ang iyong buhok.
Comments are closed.