HAKBANG PARA SA KABATAAN, LAYONG MAKALIKOM NG MALAKING PONDO PARA SA OSY SA BULACAN

Gov-Wilhelmino-Sy-Alvarado

LUNGSOD NG MALOLOS – INAASAHAN ng taunang “Hakbang para sa Kabataan” ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Youth, Sports, Public Employment Services Office (PYSPESO) na makalikom ng mas malaking pondo para sa mga out-of-school youth (OSY) at para sa pagpapaunlad ng isports sa lalawigan.

Ginanap ito noong Setyembre 14, 2018, dakong alas-6:00 ng umaga mula Asianland Grand Royale, Brgy. Pinagbakahan at Malolos Sports and Convention Center na nagtagpo sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito kung saan nagkaroon ng maikling programa.

Sinabi ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado na ang alay lakad ay hindi lamang tungkol sa pagsasaya kundi sa pagtatanim sa isip ng mga kalahok ng kahalagahan ng pagbabahagi at pagmamalasakit sa kapuwa.

“Mabuting naimumulat natin ang ­ating mga kabataan na may magagawa sila para sa kapuwa nila kabataan. Hindi lahat ay pinalad na makapag-aral at maibigay ang lahat ng mga pangangailangan kaya naman kung mayroong kakayahan na tumulong sa kapuwa, huwag nang mangiming tumulong kahit sa munting paraan,” anang gobernador.

Dumalo sa naturang aktibidad ang libo-libong mga Bulakenyo kabilang ang mga estudyante mula sa sekondarya at kolehiyo at mga guro mula sa Lungsod ng Malolos, mga OSY at mga empleyado ng pamahalaan at nagkaroon din ng raffle draw bilang bahagi ng programa.

Ang Hakbang para sa Kabataan ay isa sa mga gawaing bahagi ng isang buwang pagdiriwang ng Singkaban Festival na may temang “Pamanang Kalinangan ng Nakaraan, Gabay sa Maunlad na Kinabukasan” sa pakikiisa ng Bulacan Sports Council.  A. BORLONGAN

 

Comments are closed.