HALAGA NG ALAK TATAAS

ASEC Antonio Joselito Lambino II

DAHIL sa planong dagdagan ang buwis sa mga inuming nakalalasing, inaasahan na tataas ang halaga nito sa merkado.

Nabatid na isinusulong ang annual increase ng limang piso kada proof liter ng distilled products sa pagitan ng taong 2021 at 2023.

Sakop ng dagdag-buwis ang mga sparkling wines o champagnes maging ang still at carbonated wines.

Ayon kay Finance Assistant Secretary Antonio Joselito Lambino II, ina­asahang aabot sa ₱61.3 billion pesos simula 2020 ang makukuhang revenue ng pamahalaan kapag tinaasan ang excise tax sa sin products at maaari pa itong umakyat ng hanggang ₱77.6 bilyon sa mga susunod na taon.

Sinabi naman ni Finance Secretary Carlos Dominguez III, 70% ng annual revenue ng gob­yerno ay nakukuha mula sa tobacco habang ang natitirang 30% ay galing sa alcohol.

Ani Dominguez, nais panatilihin ng gobyerno ang 70:30 revenue share ratio.

Ang planong karag­dagang buwis sa alcoholic beverages ay bahagi ng package-two plus ng tax reform kung saan sakop din ang cigarette manufacturers at importers.