SINIGURO ng mga manufacturer ng mga produktong ginagamit na panghanda sa Noche Buena na hindi na magtataas ang kanilang mga presyo hanggang sa dulo ng taon, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) kahapon.
Kabilang sa mga produktong napako na ang presyo hanggang matapos ang 2018 ay ang sandwich spread, mayonnaise, fruit cocktail, pasta, keso, at keso de bola.
Noong nakaraang buwan, naglabas ng listahan ang DTI ng suggested retail price (SRP) para sa ilang produktong ginagamit panghanda sa Noche Buena o iyong pagsasalo-salo sa gabi bago ang Pasko.
Tiniyak din ng mga manufacturer sa DTI na sapat ang suplay ng mga produkto para sa Noche Buena at maging sa Media Noche, na salo-salo naman sa hatinggabi ng Bagong Taon.
SARDINAS
Sinabi rin ng DTI na maglalabas sila sa Disyembre ng listahan ng bagong SRP para sa ilang brand ng delatang sardinas.
Sinabi noong Martes ng grupong Canned Sardines Association of the Philippines na nag-abiso sila sa DTI ng limang porsiyentong taas-presyo o P0.50 hanggang P0.60 dagdag sa kada lata ng sardinas.
Kabilang sa mga binanggit na dahilan ng grupo para sa taas-presyo ang pagmahal ng raw materials, bayad sa mga manggagawa, petrolyo, at palitan ng piso.
Nangako naman ang mga manufacturer ng mga delatang karne, gaya ng corned beef at meat loaf, na hindi gagalaw ang presyo ng kanilang mga produkto hanggang Disyembre.
Comments are closed.