HALAGA NG PISO HIHINA PA

HIHINA pa ang piso kapag patuloy na tumaas ang inflation rate na higit sa target ng pamahalaan, ayon sa National Economic and Deve­lopment Authority (NEDA).

Sinabi ni NEDA Secretary General Ernesto Pernia na sa pagtaas ng interest rates overseas at sa patuloy na pagbilis ng inflation, ang halaga ng piso ay maaaring bumaba pa.

“Problema kasi is the US is still scheduled to raise—what they call normalization—raise interest rates. So if you don’t respond to that then the peso depreciates,” ani Pernia.

Ang inflation ay isa sa mahahalagang salik na kinokonsidera ng policy-setting bodies sa buong mundo sa papapasiya kung tataasan ang key rates.

Noong nakaraang linggo ay itinaas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang inflation forecast nito ngayong taon sa 4.6 percent mula sa 3.9 percent.

Kasunod ng anunsiyo ng BSP ay bumaba ang halaga ng piso at bumalik sa P52 per dollar.   Ang local currency ay humina ng 39 centavos upang magsara sa P52.19:$1 mula sa P51.80 noong Huwebes.

“It can further weaken the peso and set off a price-wage spiral,” pahayag ni Cid Terosa, dean ng  School of Economics at the University of Asia and the Pacific (UA&P).

Samantala, nagpasiya ang central bank sa pamamagitan ng policy-setting Monetary Board nito na itaas ang overnight borrowing rate sa 3.25 percent mula sa 3 percent sa gitna ng alalahanin hinggil sa tumataas na presyo ng mga bilihin.

“Nagdesisyon ang Bangko Sentral na itaas ang interest rate … upang sa ganon ay mapangalagaan natin ang pagtaas ng presyo ng bilihin dito sa Pilipinas,” wika ni BSP Deputy Governor Diwa Guinigundo.

Gayunman, sinabi ni Guinigundo na ang pagsipa ng inflation ay pansamantala lamang at ang pagtaas ng consumer prices ay inaasahang maitatala sa 3.4 percent sa 2019, na pasok pa rin sa government target na  2 hanggang  4 percent.

“Kapag nagtaas ng interest rates and Bangko Sentral ay mahihinto na ‘yung mga speculation ng merkado, lalong-lalo na ‘yung mga market analyst, na patuloy ang pagtaas ng mga presyo ng bilihin sa ating bansa,” aniya. VICKY CERVALES

 

Comments are closed.