HALAL NA OPISYALES SA BULACAN MANUNUMPA SA TUNGKULIN

bulacan capitol gymnasium

MALOLOS CITY – MANUNUMPA na sa tungkulin ang mga bagong halal na opisyal sa Bulacan sa araw na ito (Hunyo 28) ganap na alas-8:00 ng umaga sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos City.

Pangungunahan ni Executive Judge Olivia Escubio-Samar ang panunumpa ng mga nahalal na opisyal sa panlalawigan, kinatawan ng mababang kapulungan, at mga kagawad sa sangguniang panlalawigan, samantalang pamumunuan naman ng bagong halal na Gobernador Daniel Fernando ang sabayang panunumpa ng mga nagwaging opisyal sa tatlong lungsod at 21 bayan ng Bulacan.

May temang “Dedikasyon at Aksiyon sa Panunungkulan para sa Dakilang Lalawigan”, magsisimula ang seremonya sa pamamagitan ng banal na misa at susundan ng pagmamartsa ng mga nahalal na opisyal at sabayang panunumpa.

Bago ang sabayang panunumpa, gagawin ng dating gobernador ang simbolikong pagsasalin ng panlalawigang watawat, seal at susi sa bagong halal na gobernador.

“It is better to serve than to be served. Ipamalas natin sa mga Bulakenyong nagtiwala at nagkaloob ng kanilang mandato na sila ay pamunuan na hindi nasayang ang kanilang pagtitiwala. Tayo ay magkakaisa at patuloy na magkakaloob ng mataas na antas ng serbisyo anuman ang ating posisyon sa gobyerno,” anang gobernador at ngayo’y Bise Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado. A. BORLONGAN

Comments are closed.