Mahigit 65.7 million ang rehistradong botante sa Pilipinas at inaasahang nakadalo sila sa katatapos na May 9, 2022 Philippine elections. Sa bilang na iyan ay hindi pa kasama ang 1.8 million overseas voters.
Sa mga nagdaang buwan ng pangangampanya, naging napakahirap para sa lahat ang pamimili ng kandidato, lalo na sa local elections kung saan mismong magkakamag-anak ang magkalaban sa iisang posisyon. Liban sa kailangang kilalanin mong mabuti ang kandidato, dapat ay pamilyar din ang boboto sa electoral process at kung ano ang mga dapat asahan sa panahon ng eleksyon.
Sa pagpili pa lamang ng president, mayroon nang 10 pagpipilian, ngunit kung pakalilimiing mabuti, sadyang dalawa lamang ang naglaban at ang iba ay puro panggulo lamang. Kahit ang beteranong politikong si Panfilo Lacson, nagmukhang nuisance candidate kina Bongbong Marcos at Leni Robredo.
Of course, magaganda rin ang mga pangako nina Isko Moreno at Manny Pacquiao, at mayroon din namang gusto silang manalo, pero sa halos 70-million voters, ilan kaya ang boboto sa kanila, lalo pa at nagkanya-kanya na ng rehiyon sina Bongbong at Leni.
Sa ikalawang pangulo naman, halos walang pagpipilian. Tatlo lamang ang malakas at maingay sa kanila – sina Sara Duterte, Kiko Pangilinan at Tito Sotto – ngunit mas nangingibabaw si Sara dahil dala siya ng maraming NGOs, bukod pa sa malakas pa rin ang hatak ng apelyidong Duterte.
Ang nakakatawa lang, nagkakalabasan ng pekeng supporters. Hapon ng May 8, huling araw ng pangangampanya, may nag-post na hindi raw siya nabayaran sa campaign rally dahil hindi siya nakapirma sa attendance. Sayang daw ang P400 na bayad. Pero sana raw, sa kabila siya sumama dahil P1000 ang bayad. O, asan ang loyalty and support kung pera-pera pala ang usapan?
Sa totoo lang, kawawa rin naman yung nag-post sa social media na nag-aaremohanan lang na kumita ng kaunti. Pati buong pamilya niya, na-bash.
Ang intriga, nonstop din. Hanggang sa kasalukuyan, nasa hot plate pa rin si BBM. Kinukwestyon daw ng international community ang kandidatura ni Bongbong. Fact is, ano ang pakialam ng international community sa internal affairs ng Pilipinas? Huwag nga silang marites at marichu. Bansa natin ito, huwag silang makisawsaw. May sarili din silang problemang dapat nilang lutasin. Kung gusto nilang mangealam, unahin nila ang usapin sa Russia at Kiev na hangga ngayon ay nagbobombahan pa rin.
Pero ngayon, tapos na ang rambol. Nakapagdesisyon na ang mga Filipino kung sino ang gusto nilang mamuno. Sino man ang manalo ay idedeklara na very soon. May angal ka? E di magprotesta ka sa COMELEC. O kaya naman, magdala ka ng plackard at magmartsa ka sa Malacanang. Pero paalala lang – walang bayad pag nag-rally kang mag-isa. – KAYE NEBRE MARTIN