HALLOWEEN, TRADISYONG PAGANO – BISHOP

Broderick Pabillo

ANG ‘Halloween’ ay hindi isang kaugaliang Pinoy at maituturing na komersiya­lisasyon lamang.

Ang paglilinaw ay ginawa ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Episcopal Commission on the Laity (ECL) ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), kasunod na rin ng nauusong Halloween parties, kung saan bumibili at nagsusuot pa ng mga nakakatakot na costumes ang mga tao, maging mga bata.

Ayon kay Pabillo, ang Halloween ay isang tradisyong pagano na umiiral sa kanluraning bansa, at  tinularan na rin sa Filipinas dahil sa komersiyalismo.

“Hindi natin kaugalian dito sa atin na may araw tayo para sa mga pangit, para sa mga nakakatakot…ibig sabihin imported ‘yan at iyan ay ipinagpapatuloy ng commercialization,” ani Pabillo, sa panayam ng church-run Radio Veritas.  “Kino-commercialize nila ang mga bagay na iyan at wala naman tayong nakukuha diyan. Palagay ko hindi sa hindi bagay sa ating mga Filipino kundi hindi bagay sa ating mga Kristiyano na ‘we are glorifying what is ugly, what is evil, what is bad at iyan ay hindi karapat-dapat.”

Nanindigan din ang obispo na ang ‘Halloween’ ay nanga­ngahulugan ng ‘Banal na Gabi’ kaya’t ito’y dapat na ilaan para sa mga banal ng simbahan at hindi sa mga nakakatakot na nilalang.

“Maganda sa mga maraming mga parokya ngayon, instead of that they have the parade of the saints na ipinakita ang maraming mga santo, maraming mga mabubuti. Kasi ‘yan naman ang dapat na kapistahan natin,” aniya.

Kaugnay nito, hinihikayat naman ng obispo ang mga mananampalataya, na sa halip na nakakatakot na costumes, ay bihisan ang kanilang mga anak ng damit tulad ng mga santo at santa na siyang isinagawa nga­yon ng maraming mga simbahan. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.