HALOS 11M BATA, KABATAAN ‘DI PUMAPASOK SA PAARALAN

NAKALULUNGKOT na halos 11 milyong bata at kabataan sa bansa ang hindi pumapasok sa paaralan.

Sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 10.7 milyong bata at kabataan na may edad lima hanggang 24 ang out-of-school children and youth (OSCY) o mga indibidwal na hindi pumapasok sa formal school.

Ayon sa PSA, 68.5 percent ng naturang 10.7 milyong OSCY ay may edad 20 hanggang 24, 15.6 percent ang may edad 15 hanggang 19, 12.3 percent ang may edad lima hanggang siyam, at 3.7 percent ang may edad 10 hanggang 14.

Kaugnay nito ay hinimok ni Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian ang Department of Education na doblehin ang pagsisikap para mahikayat silang magbalik-eskuwela.

Ayon kay Gatchalian, ang nasabing mga OSCY ay maaaring mag-enroll sa Alternative Learning System, isang parallel learning system na alternatibo sa umiiral na formal education instruction.

Mahalagang kumilos ang pamahalaan para maabot ang mga bata at kabataang wala sa mga paaralan nang sa gayon ay mabigyan sila ng pagkakataong makatanggap ng edukasyon, makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng magandang kinabukasan.