HALOS 400 DAYUHAN IPATATAPON NG BI

Bureau-of-Immigration

IPATATAPON  ng Bureau of Immigration (BI) palabas ng bansa ang halos sa 400 dayuhan bunsod sa paglabag ng kanilang pansamantalang paninirahan sa Pilipinas, ayon sa pahayag ng pamunuan ng ahensiyang ito.

Batay sa impormasyon na nakalap, kabilang sa ipade-deport ay ang 331 Chinese nationals at 41 personalidad na galing sa ibat-ibang bansa,at ang 43 dito ay nai-turn over na sa immigration para sa documentation.

Ang mga dayuhan ay naaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pamamagitan ng kanilang isinagawang o ikinasang magkakaibang araw na operation sa loob at labas ng Metro Manila.

Nakikipag-ugnayan ang Bureau of Immigration sa NBI at Chinese Embassy para sa mabilis na pag-release ng kakailanganing mga dokumento bago isagawa ang deportation process laban sa mga ito.

Kasabay nito ay sinimulan na rin ng BI ang visa cancellation laban sa 48,782 Chinese nationals na nagtatrabaho sa POGO companies na kinansela ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), ang permit to operate dahil sa paglabag sa alituntunin ng ahensiya.

Ayon naman kay BI Commissioner Norman Tansingco, kapag natanggap na nila ang information mula sa PAGCOR ay agad na sinimulan ang cross-checking upang matukoy kung sino pa ang nasa Pilipinas upang maisaayos kaagad ang deportation.

Aniya, sa ilalim ng visa cancellation, binibigyan ang aliens ng 59 araw na umalis ng bansa at kapag hindi umalis sa ibinigay na palugit o takdang araw ay ipatutupad ang deportation proceedings laban sa mga ito.

Ang visa cancellation ay mas mabilis kung ikukumpara sa departure order o dadaan pa sa hearing bago ang deportation order na ipalalabas ng BI Board of Commissioner. Froilan Morallos