Aabot sa 5,549 na mga magsasakang agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Negros Oriental ang tumanggap ng certificates of condonation and release of mortgage (CoCRoM) bilang patunay na hindi na sila sinisingil ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa natitira pa nilang kabuuang ₱727,750,154.39 na pagkakautang sa mga lupaing pangsakahan na ipinamahagi sa kanila.
Ayon kay DAR Central Visayas Regional Director Atty. Sheila B. Enciso, ito ay sumasaklaw sa 71,580.42 ektarya ng lupang agrikultural. Naganap ang pamimigay ng naturang sertipiko sa Plenary Hall, Convention Center, Dumaguete City.
Binigyang diin ni Enciso na ang aksyon ay magpapagaan sa kabuhayan ng mga ARB na hindi na obligadong bayaran ang natitira pa nilang mga utang sa kanilang mga lupaing sinasaka na may kabuuang halaga na ₱727,750,154.39. Sabi ni Enciso na ito ay isang mahalagang hakbang sa pagtiyak ng kalayaan sa ekonomiya para sa mga ARB.
Ang pamamahagi ng CoCRoMs ay bahagi ng isang pambansang inisyatiba sa ilalim ng Republic Act No. 11953 na kilala rin bilang New Agrarian Emancipation Act (NAEA), na bigyang kapangyarihan ang sektor ng agrikultura at pahusayin ang kasarinlan sa ekonomiya para sa mga magsasakang Pilipino.
Kabilang sa mga benepisyaryo ng CoCRoM ang mga magsasaka mula sa La Libertad, Bindoy, San Jose, Bacong, Dauin, at Zamboanguita.
Idinagdag niya na 75 Certificates of Land Ownership Award (CLOA) ang naipamahagi sa 98 ARBs na sumasaklaw sa 73.13 ektarya, habang 2,225 Electronic Titles (E-Titles) ang ipinagkaloob sa 1,642 ARBs na sumasaklaw sa kabuuang 2,269.53 ektarya ng lupa.
Ang mga nakatanggap ng E-Titles ay mula sa Canlaon City, Vallehermoso, Guihulngan City, Jimalalud, Tayasan, Ayungon, Manjuyod, Bais City, Mabinay, Tanjay City, Pamplona, Amlan, Siaton, Sta. Catalina, Bayawan City, at Basay.
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia