MULA sa kaliwa ay sina Relli de Leon, Jasper Tanhueco at Jeoffrey Chua. PSA PHOTO
HALOS 700 atleta, kabilang ang pinakamahuhusay sa bansa at foreign bets, ang sasabak sa Philippine Athletics Championships na gaganapin sa May 8-12 sa PhilSports track oval sa Pasig City.
Inaasahang magiging mainit ang kumpetisyon sa event, dating tinatawag na Philippine National Open, sa pagbabalik nito sa Metro Manila makaraang idaos sa Ilagan sa Isabela sa mga nakalipas na taon.
“It’s back in Manila,” wika ni Relli de Leon, special assistant to PATAFA president Terry Capistrano, sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Martes sa Rizal Memorial Sports Complex.
“That’s why we expect a bigger crowd and more records to be broken especially by the local athletes,” dagdag ni De Leoon, na sinamahan nina PATAFA secretary-general Jasper Tanhueco at national team coach Jeoffrey Chua.
Ayon kay Chua, ang foreign bets ay magmumula sa Hong Kong, Singapore, Malaysia, Thailand, Japan, New Zealand at United States.
“We expect around 60 foreign athletes and those with Filipino heritage, and we see more to come after we extended the deadline for registration to April 30,” sabi ni Tanhueco hinggil sa event na itinataguyod ng ICTSI bilang title sponsor.
Ang Filipino athletes na naghahangad pa rin ng puwesto sa Paris Olympics sa Hulyo ay pangungunahan nina Fil-Am sprinter Lauren Hoffman, Fil-Spanish John Cabang Tolentino, Asian champion Robyn Brown, at Southeast Asian Games gold medalists Eric Cray, Janry Ubas at Kristina Knott.
Target nila ang tickets sa Paris sa pamamagitan ng pag-abot sa Olympic standard o pagpasok sa top 40 ranking.
“They will be present,” sabi ni Chua, na idinagdag na bukod sa elite athletes, magkakaroon din ng kumpetisyon para sa Under-18 at Under-20.
“It’s an international event and it’s wide open,” sabi ni Chua.
Dahil sa matinding init na umaabot sa 40s, ang kumpetisyon ay sisimulan nang mas maaga sa alas-5:30 ng umaga hanggang alas-8:30 ng umaga bago mag-break at magpatuloy sa alas-3:30 ng hapon hanggang sa finals sa gabi.
CLYDE MARIANO