MAY kabuuang P816,688,844.04 na amortisasyon ng lupaing pangsakahan na naipamahagi at iba pang utang pang-agraryo ng 6,125 magsasakang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) ang binura ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa pamamagitan ng pamamahagi ng 9,707 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (CoCRoM) sa Cadiz Arena, Cadiz City, Negros Occidental.
Ang pamamahagi ay isinagawa nitong Disyembre 19, ayon sa impormasyong inilabas ng DAR kahapon.
Sinabi ni DAR Undersecretary for Foreign Assisted and Special Projects (FASPO) Jesry na ang hakbang ay bahagi ng tuloy-tuloy na pagnanais ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na pagaanin ang pasanin ng mga Pilipinong magsasaka sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga tunay na libreng lupa.
“Inaasam-asam ni Pangulong Marcos para sa lahat ng ARBs sa buong Pilipinas, hindi lamang sa Negros, na maisakatuparan at maibigay sa inyong lahat ang inyong lupa at wala nang aalalahaning obligasyon na babayaran pa sa bangko,” sabi ni Palmares.
Ang CoCRoM ay isang katibayang nagpapawalang-bisa sa lahat ng pautang, kabilang ang mga interes, multa, at surcharges na natamo ng mga ARB mula sa lupang iginawad sa ilalim ng Presidential Decree (PD) 27, R.A. 6657, at R.A. 9700. Ito ay alinsunod sa Republic Act No. 11953, o ang New Agrarian Emancipation Act (NAEA), na nilagdaan ng Pangulo noong Hulyo 7, 2023.
Dinaluhan ni Sen. Francis Tolentino kasama si Assistant Secretary for Special Concerns and External Affairs and Communication Operations Office (SC/EACOO) Rodolfo Castil, Jr., at ang bagong hirang na DAR OIC-Regional Director para sa Negros Island Region (NIR) na si Lucrecia Taberna, Cadiz Mayor Salvador G. Escalante Jr. at si Negros Occidental Vice Governor Jeffrey P. Ferrer ang pinakahuling pamamahaging ito ng CoCRom ng DAR.
Mula sa kabuuang napatawad na mga utang, P291,676,663.15 na utang ng 1,428 ARBs ang napawalang-bisa sa pamamagitan ng pag-iisyu ng 2,409 CoCRoMs na sumasaklaw sa 1,482.91 ektaryang lupain sa Negros Occidental 1, habang P525,012,012 utang pang-agraryo ng 4,697 ARBs ang pinawalang-bisa sa pamamagitan ng pagpapalabas ng 7,298 CoCRoMs na sumasaklaw sa 4,930.76 ektarya ng lupain sa Negros Occidental 2.
Sa nasabing kaganapan, namahagi rin ang DAR ng kabuuang 2,361 SPLIT Electronic Titles (E-Titles) sa 893 ARBs na katumbas ng 1,223 ektarya ng lupa. Habang 969 Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) na katumbas ng 418.86 ektarya ng lupa ang naipamahagi sa ARBs.
Ma. Luisa Macabuhay- Garcia