ni Riza Zuniga
(Unang Bahagi)
Imelda Cajipe-Endaya, Ka Popoy Cusi, Migz Salazar, Nemi Miranda, Juno Galang, Al Perez, Yannie Rumbaoa, Yasmin Almonte, Danny Rayos Del Sol, Arnel Borja, Bing Famoso, Ralph William Villaruz, Harold Gomez, Jing Alejandrino-Rayo, Ambrocio Mallari, Joy Rojas, Victor Puruganan, Alfred Capiral, Melissa Yeung Yap, Seth Corda, Javier Galvan, Jes Evangelista, Nestor Emocling, Nestor Vinluan, ilan lang sila sa mga alagad ng sining na patuloy sa pagpapayabong ng kani-kanilang sining sa pagpipinta at pag-uukit.
Kailanma’y hindi alintana ang pandemya, sa kabila ng walang kasiguruhan sa estado ng ekonomiya, naging bukas sa kung ano ang kayang ibigay ng panahon at pagkakataon.
Ilan sa mga museo, galeriya at coffee shop ang nagbukas ng pinto para sa mga alagad ng sining sa panahon ng pandemya: Sining Pangkultura ng Pilipinas (CCP), National Commission for Culture & Arts (NCCA), Altro Mondo, LRI Design Plaza, Artablado (Ortigas at Antipolo), National Museum, Leon Gallery, Gateway Gallery, German Club, ArtistSpace, Yuchengco Museum, Galerie Raphael, Art Lounge Manila-Podium, Robinsons Metro East, , SM Aura Premier, Quezon City Hall, Estancia Mall, Imahica Art Gallery, Sentro Leona, Yani Café at Department of Foreign Affairs (DFA).
Tunay na hindi naging maramot ang tadhana kahit may pandemya. Bagkus nagbunsod ito ng panahon para makagawa at makapag-ipon ng mga ipinintang sining at inukit na mga likhang-sining ang bawat alagad ng sining.
Ang pansamantalang pananatili sa tahanan para gumawa ng obra ay hindi na bago sa mga alagad ng sining. Ito ay masasabing pangkaraniwan sa kanila dahil ang ibang alagad ng sining ay may kani-kaniyang studio, maliit man o malaki ang espasyo nito.
Masasabing ang pandemya ay hindi naging balakid sa ilang alagad ng sining lalo na kung kumpleto sa mga kagamitan sa sining. May pag-aalala ang ilan sa mga hindi nakapghanda ng kagamitan para sa pagpipinta at pag-uukit.
Naging daan din ang nakaraang pandemya para makapaglaan ng oras para sa pagmumuni-muni ang mga alagad ng sining. Hindi biru-biro ang hamon ng krisis sa kalusugan lalo na sa usaping ekonomiya.
Hindi hadlang ang Covid19 para itigil ang naumpisahan sa canvas. Iikot pa rin ang mundo ng mga alagad ng sining dahil sila ay punong-puno ng pag-asa at pangarap hindi lang para sa sarili at pamilya kung hind imaging para sa bayan. Sa susunod na bahagi, ang mga nagtataguyod para sa kapakanan ng mga alagad ng sining.