HAMON NG KONGRESO NA PABABAIN ANG PRESYO NG KORYENTE, TINUTUPAD NG MERALCO

Magkape Muna Tayo Ulit

WALANG pag-alinlangan na tinanggap ng Meralco ang hamon ng House Committee on Good Government and Public Accountability na tuloy-tuloy na pababain ang p­resyo ng k­oryente para sa customers nito. Sa katunayan, marami na raw mga hakbang na ginagawa ang kompanya para masiguro ito.

Ayon sa mga opis­yal ng Meralco, nitong nakaraang hearing tungkol sa bills ng customers ngayong community quarantine, itong nakaraang tatlong buwan ay nakatipid daw ang halos pitong milyong customers ng Php1.88 Billion. Ito ay dahil sa isang probisyon sa mga kontrata ng Meralco na puwede itong mag-claim ng “Force Majeure” para mabawasan ang sinisingil ng suppliers na koryente.

Ang ‘Force Majeure’ ay karaniwang takda sa mga kontrata na nagpapawala o maaring mabago ang pananagutan sa magkasundong panig kung sakaling may mang­yaring kaganapan na hindi nila kontrolado. Kaya naman dahil sa nangyaring pademya na naging dahilan ng community quarantine, nagkusa ang Meralco na i-claim ito at napababa ang presyong binabayaran sa generation charges.

Inusisa rin ng Kongreso ang pamamaraan ng Meralco sa pag-angkat ng koryente, na ayon sa mandato ng kanilang prangkisa, ay dapat na base lang sa pinakamababang halaga. Ayon kay Meralco Head of Regulatory Management na si Atty. Jose Ronald Valles, lahat ng kontrata ngayon ng Meralco ay sumasailalim sa bidding o “Competitive Selection Process” na alinsunod sa polisiya ng DoE. Sa pa­raang ito nalalaman kung alin sa mga supplier ang may pinakamababang halaga ng koryente na iaalok sa kanila. Sa katunayan, ani Valles, dahil sa paraang ito ay nabawasan na ng Php 1/kWh ang presyo ng koryente mula pa noong Disyembre 2019 matapos ang matagumpay na implementasyon ng bidding. Sa tantiya ng Meralco, Php 4.6 Billion ang mababawas sa bills ng mga customers dahil sa mga bagong kontrata nito.

Sa naturang hearing din ay naungkat ang issue ng system loss charge, na ayon sa mga kongresista ay dapat nang tanggalin. Bagama’t maganda ang hangarin ng mga kagalang-galang na komite, hindi ito posible dahil hindi naman maiiwasan na magkaroon ng system loss sa proseso ng pagpapamahagi ng koryente. Hindi lang sa Filipinas mayroong konsepto ng system loss, kundi sa buong mundo. Sa ibang bansa pa nga, hindi naka-reflect sa mga bills ng consumers kung magkano ang binabayad nila sa system loss, hindi katulad sa atin na nasa batas na i-unbundle ang binabayad sa system loss.

Dagdag pa rito, taon-taon ay sinisiguro ng ERC na pababain ng mga distributor ng koryente ang kanilang system loss. Ang mga pribadong utility tulad ng Meralco ay may sagad na 7% na pabababain sa 5.5% hanggang 2021. Ang mga electric cooperative naman ay puwedeng mag-charge ng 8.5%-12% hanggang 2022. Ayon sa Meralco, nakapagtala sila ng pinakamababang system loss na 5.42% nitong Marso 2020, at may kaakibat na higit kumulang Php 50 Billion na savings sa consumers simula 2008.

Matatandaan pa na noong Nobyembre-Dis­yembre 2013 kung kailan nagkaroon ng biglaang pagsipa ng generation cost at naglabasan ang mga alegasyon ng pang-aabuso sa merkado, nagpetisyon ang Meralco sa korte para suportahan ang desisyon ng ERC na ibaba ang singil ng generation charge sa P5.93/kWh mula sa dapat sana’y P9.10/kwh noong Disyembre 2013 at P6.11/kWh mula sa naunang presyo na P10.22/kWh noong E­nero 2014. Napigilan nito ang paniningil ng record high na generation charge na kukunin sa mga customer.

Kamakailan lang ay may lumabas din na ba­lita na kinatigan ng Korte Suprema ang posisyon ng Meralco na kaila­ngan i-adjust ang presyo sa ikatlo at ikaapat na buwan ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM). Hiniling ng Meralco na imbestigahan ang kakaibang presyuhan sa WESM na magreresulta ng mas mataas na ipapasang presyo ng kor­yente sa consumers. Dahil dito, halos Php9 Billion na halaga diumano ang napigilan na ipasa sa customers, na magpapa-taas dapat ng generation charge ng Php 6.00/kWh.

Kung pagsasama-samahin ang lahat ng ito, bilyon-bilyong halaga na pala ang savings ang naihahatid ng Meralco sa mga sineserbisyuhan nito. Paiigtingin pa  raw nila ito lalo’t alam ng kompanya na mara­ming umaasa sa kanila na u­mayuda sa pinagdadaanan ngayon ng mga consumer. Ani nga ni House Speaker Alan Peter Cayetano, tulu­ngan ang kinakailangan sa panahon na ito, at ito naman ang pinangako ng Meralco.

Comments are closed.