HAMON NG MGA MAGSASAKA SA MGA KANDIDATO: SOLUSYON SA PAGKAIN AT KAHIRAPAN

MAGSASAKA

SERYOSONG solusyon sa problema ng kahirapan  at food security sa bansa, ito ang hamon ng mga grupo ng mga magsasaka sa mga  kandidato sa pagkasenador.

Sinabi ni  Antonio Flores, secretary general ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, sa rami ng kandidato na naghain ng kanilang certificates of candidacy (COC) sa Comelec, wala pa rin sa kanila ang may ma­linaw na plataporma na tutugon sa mga pangunahing problema sa bansa.

Batay sa survey, mahigit 12 milyon ang self-rated poor habang mahigit sa walong  milyon naman ang sinasabing ‘food poor’ o sumasala sa pagkain.

Sa katotohanan umano ay  mahigit sa 80 porsiyento  ng 101 milyong populasyon sa Filipinas ay mahihirap at nakararanas ng kasalatan sa pagkain.

Kapuna-puna umano na sa mga naghain ng COCs ay  wala pang klaro na nagsabi na dapat ibaba ang presyo ng bigas at pagkain, ngunit  may ilan ang nagsabi na dapat itaas ang sahod, ibaba ang pres­yo ng bilihin at ibasura ang TRAIN Law.

Ayon kay Flores, may mga basehan na ngayon ang voting public kung sino ang pipiliin o ibabasurang kandidato sa halalan sa Mayo 2019.

Comments are closed.