SA ISANG liham na ipinadala ng consumer group na National Association of Electricity Consumers for Reforms, Inc. (NASECORE) sa Energy Regulatory Commission (ERC), sinabing may electric cooperatives (ECs) na nagbigay ng tulong pinansiyal sa mga partylist na tatakbo sa eleksiyon sa darating na Mayo.
Tinuligsa ng NASECORE ang ECs dahil sa paggamit sa mga salapi na ibinayad sa kanila ng mga konsyumer.
Binigyang-diin ni NASECORE Executive Director Antonio Acebedo ang kanyang panghihinayang dahil maaari sanang nagamit ang nasabing mga pondo sa pagpapaganda at pagsasaayos ng pasilidad at kalidad ng serbisyo ng mga EC.
Bilang halimbawa ng kanilang alegasyon, binanggit ng grupo ang diumano’y P3 milyon na ibinigay ng Davao del Sur Electric Cooperative sa partylist na Philippine Rural Electric Cooperatives Association Inc (PHILRECA) bilang kontribusyon. Aysus…Tatlong milyon!!!
Ipinahayag din ni Acebedo na ang kontribusyon na ito para sa kampanya ng partylist na PHILRECA ay isang malinaw na paglabag sa batas sa eleksiyon at sa inaprubahan ng ERC na EC Annual Revenue Requirement (ARR).
Idinagdag din niya na ang mga EC ay itinuturing na public utility dahil ito ay nagbibigay ng serbisyo sa publiko sa ngalan ng es-tado gaya ng nasasaad sa batas ng ating bansa.
Sa pahayag naman ni dating DOE Undersecretary Pete Ilagan, isa sa mga bumuo ng NASECORE, ang malala pa rito ay ang nasabing mga partylist na siyang tumanggap at makikinabang sa kontribusyon mula sa EC ay ang mga partylist na nagsasabi at nangangakong magsusulong ng interes ng mga konsyumer!
Nasa dalawa o higit pang partylist ang nagkaroon ng puwesto sa Kongreso ngunit wala pa ring naipakikitang resulta ukol sa pagpapababa ng presyo ng koryente sa bansa, pagsasaayos ng sistema at mga istruktura para sa mas maganda at maayos na kalidad ng serbisyo sa mga konsyumer. Ano ba ang mga ito? Partylist o PARTEHAN list? Nagtatanong lang po.
Comments are closed.