(Hamon ni Bong Go kina Galvez at Duque) MAGPATUROK NG BAKUNA VS. COVID-19

SEN BONG GO-2

HINAMON ni Senator Christopher ‘Bong’ Go sina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III at vaccine czar Pre­sidential Adviser Carlito Galvez na unang magpaturok ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (CO­VID-19) sa sandaling maging available na ito sa publiko.

Ito ay upang mapawi aniya ang pangamba ng mga mamamayan hinggil sa kaligtasan ng naturang bakuna at mabuo ang kanilang kumpiyansa sa bisa at pagiging epektibo nito.

“May mga nag-aalangan pa kaya dapat unahin natin ang safety ng vaccine na ito. That is why I’m challenging Secretary Galvez once safe na ipapakita niya, along with Secretary Duque, na sila muna ang magpapaturok ng vaccine once proven safe to encourage [the people],” ayon kay Go, sa isang panayam sa Laging Handa briefing nitong sa Sabado, na isinagawa sa bagong bukas na Mindanao Media Hub sa Davao City.

“(This is) to encou­rage naman po at mawala ang takot ng mga tao, pero dapat unahin natin ang poor, vulnerable, and frontliners, of course. Sila ang nangunguna sa labang ito — sundalo, guro, medical workers. Huwag rin natin pabayaan ang mga senior citizens natin na vulnerable and, especially, ang mga mahihirap na kailangan lumabas at magtrabaho — dapat po libre ito sa mahihirap,” ayon pa kay Go.

Anang senador, ang national vaccine roadmap ay nakahanda na para sa isang sistematikong distribusyon ng bakuna, sa sandaling matiyak na ligtas at epektibo ito.

Hinikayat pa niya ang mga concerned agencies na maayos na makipagkomunikasyon at ipatupad ang programa sa pagbabakuna upang masiguro sa publiko na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito upang maibalik sa normal ang lahat, sa gitna ng nagaganap na pandemya.

“Napaka-importante po sa vaccine na ito ang issue ng affordability at accessibility. Unang una, pagdating sa availability — dapat po unahin ang mahihirap nating kababayan,” aniya pa.

Samantala, pinuri rin naman ni Go ang mga miyembro ng pri­badong sektor na nagpahayag na ng tulong sa gobyerno para sa pagbili ng pinakaligtas at epektibong bakuna laban sa COVID-19, sa sandaling maging epektibo na ito sa merkado. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.