(Hamon sa DA) PRICE MANIPULATORS SAMPOLAN

karne

HINAMON ng ilang kongresista ang Department  of Agriculture (DA) na tukuyin at papanagutin sa umiiral na batas ang mga pinaniniwalang nananamantala sa sitwasyon at nagmamanipula sa suplay at presyo ng mga bilihin, partikular ang karneng baboy at manok.

Sa isinagawang joint briefing ng House Committee on Agriculture and Food at Committee on Trade and Industry kahapon, tahasan namang itinuro ni Agriculture Sec. William Dar ang mga biyahero na sila umanong dahilan kung bakit sumipa sa hanggang P400 kada kilo ang baboy at P200 kada kilo naman ang manok sa mga pamilihan sa Metro Manila.

“Ang nagmamanipula ngayon, base sa analysis namin, ay ang mga biyahero, hindi naman masyadong malalaki ito pero mid-level siguro ang matatawag natin dito kumpara sa big businesses. They are offering a higher price para lang ma-maintain nila ‘yung mataas na presyo sa merkado. I don’t know why,” sabi ng kalihim.

Tinanong naman ni Deptuy Minority Leader at Marikina City 2nd Dist. Rep. Stella Quimbo si Dar kung ano ang ginagawa ng departamento nito laban sa mga tiwaling biyahero kung saan iginiit ng lady solon na dalawang kaso ang pupuwedeng ipagharap sa mga ito, ang paglabag sa Price Act at Philippine Competition Act.

Tugon ng kalihim, ang Economic Intelligence, na co-chaired ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Justice-National Bureau of Investigation (DOJ-NBI), kasama ang Philippine Competion Commission (PCC),  Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at iba pa ang may hurisdiksyon sa mga mapagsamantalang trader.

Subalit ilang kongresista ang naniniwala na sa lalong madaling panahon, dapat ay may masampolan ang gobyerno, na hinuli at naparasuhan nito na mga biyaherong sangkot sa price manipulation.

Sa kanyang panig, hiniling ni Quezon province 1st Dist. Rep. Mark Enverga, chairman ng House Committee on Agriculture and Food, kay Dar na magsumite ng datos hinggil sa supply chain analysis kung saan maaari aniyang malaman kung ano ang pinag-ugatan ng problema sa suplay ng manok at baboy pati ang inaangalan ng mga mamimili na sobrang taas ng presyo nito.

“There are those probably taking advantage of the situation and it is best that we identify the culprits,” giit ni Enverga

Dagdag ng House panel chair, dapat ding ipaalam ng DA secretary sa kanyang komite kung gaano karami ang shortage sa suplay ng baboy at manok para magamit nilang basehan sa pagrekomenda na itaaas ang Minimum Access Volume (MAV) ng mga aangkating karne ng bansa.

Pinasalamatan naman ni Deputy Speaker at Valenzuela City Rep. Wes Gatchalian si Dar dahil nilinaw ng huli na ang meat importations na inirerekomenda nito ay isa lamang short-term solution  sa umiiral ngayon na sitwasyon sa pork at chicken products.

“Ang importante right now is ginagawa natin ang mga action na ito na short-term remedy lang ito. Pero ang long-term outlook natin palagi ay palakasin natin ang local industry natin at suportahan natin ang mga stakeholder para sila po ay mabuhay lalo na sa panahon ng pandemya kung saan marami sa micro and small enterprises natin ay nahihirapan,”  sabi ni Gatchalian. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.