(Hamon sa DOTr) PONDO GAMITIN NANG MAS MABILIS

Grace Poe

AABOT sa P120 bilyon ang budget na ipinanukala ni Senadora Grace Poe para sa Department of Transportation (DOTr) na mas mababa kaysa sa halagang nakapaloob sa General Appropriations Bill at sa National Expenditure Program, sa pag-asang maipamamahagi ng ahensiya ang inilaang 2022 budget nang mas mabilis.

Ang department budget na idinepensa ni Poe ay gagamitin para sa pagpopondo sa anim na rail projects, 18 airports, 46 ports, 8 road projects, gayundin sa salary adjustments ng mga empleyado ng ahensiya para makatugon sa salary standardization program, at sa pagkuha ng karagdagang tauhan sa coast guard.

“Ang mababang disbursement rate ng ahensiya ay palagi na lamang pinagtatalunan, pero hindi natin maipagsasawalang-bahala ang pagbibigay serbisyo sa ating mga kabababayan ngayon higit kailanman habang nagsusumikap tayong bumangon mula sa pandemya,” ayon kay Poe.

Ang panukalang budget ay mas mababa ng P1.5 bilyon kaysa sa nasa ilalim ng General Appropriations Bill at mas mababa naman ng P33 bilyon sa panukalang National Expenditure Program.

Sinabi ni Poe na isa sa pangunahing inamyendahan sa budget ang paglalaan ng P10.83 bilyon para pondohan ang kasalukuyang mga road project katulad ng service contracting ng mga tsuper ng pampublikong sasakyan, active transport, modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan, EDSA busway at rehabilitasyon ng mga terminal.

“Ang hamon ngayon ay nasa kamay ng DOTr—na magamit ang pondo nang mas mabilis at matiyak na makarating ito sa mga dapat nitong matulungan,” dagdag ni Poe. VICKY CERVALES