UPANG maging patas hindi lamang sa mga inosenteng mambabatas kundi maging sa pangangalaga sa integridad ng Kamara, dapat umanong pangalanan ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica ang sinasabi nitong ilang kongresista na sangkot sa talamak na katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Pagbibigay-diin ni House Committee on Public Accounts Chairman at Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, makabubuting tukuyin na agad ng PACC official ang inaakusahan nitong corrupt legislators dahil nakakaladkad at nalalagay sa hindi magandang posisyon ang imahe ng Kamara.
Aniya, isa siya sa mga kongresista na nakikiisa at buo ang suporta sa pinaigting na anti-corruption drive ng Duterte administration, at sa panig ni Belgica ay dapat maging maingat ito sa pagbibigay ng pahayag lalo’t isa sa haligi ng pamahalaan ang idinadawit nito.
“If indeed there are corruptions being done and congressmen are involved. They should really point to whoever is involved. Ituro na nila para magkaroon ng malalim na pag-aaral, napakahirap naman na parang kung ikaw ay isang kongresista at may pamilya ka, lahat
nadadamay. Kawawa ka naman dahil wala ka namang alam,” sabi pa ni Defensor.
“Hindi tayo humihinto sa kampanya laban sa katiwalian, pero maglabas ng pangalan dahil ang hirap naman na ang buong Kongreso ang tinatamaan. Parang blanket na pagtuturo ang accusation against the members of Congress.” dagdag pa niya.
Nauna rito ay sinabi ni Belgica na may mga kongresista na nakikipagsabwatan sa ilang tiwaling public works personnel at private contractors hinggil sa pagpapatupad ng local infra projects.
Bukod dito, gamit ang kanilang posisyon at impluwensiya ay nagagawa rin umano ng ilang lawmakers na panghimasukan ang appointment ng ibang district engineers. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.