MAGIGING malaking hamon sa buong Philippine National Police (PNP) ang “one strike at no take policy” sa kanilang kampanya kontra illegal number games.
Kaugnay nito, inanunsyo ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., na ipatutupad ng pulisya ang kanilang “one strike, no take policy”sa lahat ng kanilang mga tauhan.
Gayundin, may mga kritiko ang nakatutok kung maipatutupad ang ibinabang patakaran ni Acorda na layuning masiguro na masusunod ang doktrina ng command responsibility.
Nauna nang inihayag na magiging magkatuwang ang PNP at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pagpapalakas ng kampanya laban sa iligal na sugal.
Nabatid na may mga lumulutang na ulat na may police officers ang sangkot , patong at protector ng ilang gambling lord lalo na sa mga lalawigan.
Sa nasabing patakaran , inihayag ni Acorda na ang mga regional director, provincial director, city director hanggang sa local at unit commander ay maaaring sampahan ng administratibong kaso kung sa loob ng isang buwan sa kanilang pag-upo ay hindi masasawata ang iligal na sugal sa kanilang nasasakupan.
Sinabi ng heneral, ang mga unit na ito ang responsable sa pangangalap ng intel, pag-iimbestiga, at paglulunsad ng operasyon laban sa iligal na sugal.
Kaugnay nito, minobilisa na ng PNP ang kanilang mga Regional/Provincial/City Anti-Illegal Gambling Special Operations Task Groups para ipatupad ang PNP Anti-Illegal Gambling Campaign Plan: Operation High Roller. VERLIN RUIZ