BUKOD sa pagiging matalino at pagkakaroon ng malawak na kaalaman, dapat din umanong hubugin ng mga opisyal at guro ng iba’t ibang state universities and colleges (SUCs) ang kanilang mga estudyante na magkaroon ng pusong handang tumulong sa mahihirap.
Ito ang binitiwang hamon ni AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee sa kanyang pakikipag-ugnayan sa SUC presidents, teachers, researchers at iba pang dumalo sa Regional Research and Development Coordinating Council meeting ng Bicol Consortium for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development (BCAARRD) kamakailan.
“Lahat po ng ito ay nagsisimula sa atin pong mga paaralan, sa ating mga kabataan. Ang sabi po ni Gat Jose Rizal, ‘ang kabataan ang pag-asa ng bayan’. Ang sa akin naman, ‘ang pag-asa ng bayan ay nasa mga guro.’ The future is the youth, but this future is shaped by our teachers,” pahayag pa ng kongresista mula sa Sorsogon.
“As educators, it is upon you to make meaningful change happen. You have to produce graduates who not only have the brains to build a better world but also the hearts to give back to the poor. The future we want to create is not just a more intelligent, advanced world but, more importantly, a more caring, sharing community,” dagdag ni Lee.
Pagbibigay-diin ng AGRI party-list lawmaker, ang lahat ng SUC graduates ay inaasahang tumulong sa taumbayan, lalo na sa mga mahihirap dahil ang bawat piso na ginastos sa kanilang libreng pag-aaral ay katumbas ng pondong maaari sanang mailaan sa programa ng gobyerno para sa mga dukha.
“Ang free education po na ibinibigay ng mga SUCs ay hindi libre. Sa bawat piso na napunta sa edukasyon na ibinibigay ninyo, isang piso yan na nawala sa isang may sakit na hindi kayang bumili ng gamot; isang piso yan na nawala sa isang homeless na hindi kayang magbayad ng upa o magpatayo ng sariling bahay; isang piso na nawala sa isang magsasaka na kahit na food producer, ay hindi kayang bumili ng pagkain para sa pamilya,” sabi pa ni Lee.
Kaya naman hinimok niya ang SUC officials at teachers na bukod sa pagbibigay ng malawak na kaalaman at kasanayan, hubugin din nila ang kanilang mga mag-aaral na maging mamamayan na responsable at mahabagin.
ROMER R. BUTUYAN