KATATAPOS lamang ng Araw ng mga Puso at mukhang nakalampas na tayo sa sunod-sunod na hindi kaaya-ayang mga pangyayari sa umpisa ng taong 2020 gaya ng pagputok ng Bulkang Taal at ng pagkalat ng sakit na COVID-19. Hindi ko sinasabing tapos na ang mga problemang ito ngunit sa aking personal na paniniwala, nagkaisa ang ating bansa sa pagresponde at pagharap sa mga pangyayaring ito. Ang pagkakaisang ito ay mainam na ipamalas muli sa nalalapit na pagpasok ng panahon ng tag-init. Inaasahan kasing magiging isang hamon na naman para sa ating mga konsyumer ang mainit na temperatura ng panahon na siyang dahilan kung bakit tumataas ang demand sa koryente at ng pagnipis ng supply nito.
Maaaring nabasa ninyo na sa mga pahayagan ang posibilidad ng pagkaantala ng serbisyo ng koryente sa panahon ng tag-init dahil sa kakulangan ng supply ng koryente sa mga susunod na buwan, ayon sa National Electrification Administration (NEA) sa kanilang idinaos na press conference Lunes noong nakaraang linggo.
“In light of this, the NEA has advised all electric cooperatives in Luzon and Visayas to prepare their respective contingency plans to mitigate the impact of potential power supply deficits in their respective areas,” pahayag ni NEA Administrator Edgardo Masongsong. Inirekomenda rin niya sa mga kooperatiba ng koryente na paghandaan ang nakaambang problema sa supply gaya ng pagkakaroon ng mga programa na makatutulong sa pagkontrol ng demand nito upang maiwasan ang pansamantalang pagkawala ng serbisyo ng koryente sa sakop nitong mga lugar. Mukhang napakanegatibo ng babalang ito ngunit mayroong mga ebidensiyang sumusuporta rito. Kung inyong maaalala, makailang ulit tayong nakaranas ng Yellow at Red Alert noong nakaraang taon kahit hindi naman panahon ng tag-init. Nakapangangamba ang sitwasyong ito ngunit may paraan naman upang maiwasan ito. May paraan upang matugunan ang patuloy na tumataas na demand sa koryente at masuportahan ang mabilis na pag-unlad ng ating ekonomiya at pagyabong ng imprastraktura sa bansa.
Ngunit sa kasalukuyan, hindi naman kailangang mangamba ang mga customer ng Meralco dahil patuloy ang pakikipagtulungan ng Meralco sa iba’t ibang miyembro ng industriya ng koryente ukol sa paghahanda para sa panahon ng tag-init upang masiguro na sapat ang supply ng koryente at nang hindi maaantala ang serbisyo nito. Sa tingin ko, ang kailangang pagtuunan ng pansin sa mga lugar na sineserbisyuhan ng Meralco ay ang iba’t ibang mabisang paraan sa pangangasiwa sa demand. Isa ring dahilan kung bakit naniniwala ang Meralco na sapat ang supply nito para sa mga customer ay ang mga bagong power supply agreements (PSA) dahil nakapaloob sa mga kontratang ito na dapat ay 100% ang pagbibigay ng supply nito sa Meralco. Sa madaling salita, sinisiguro ng Meralco na mayroon itong sapat na koryente na maisu-supply sa mga customer nito. Nagkaroon na rin ng magandang epekto sa presyo ng koryente ang nabanggit na mga bagong PSA bukod sa pagdagdag sa kapasidad ng ating grid. Sa katunayan, naging malaking tulong ang mga PSA sa naging pagbaba ng presyo ng koryente para ngayong buwan ng Pebrero. Bunsod nito, pumalo sa piso ang kabuuang halaga ng ibinaba ng presyo ng koryente sa unang dalawang buwan ng taon.
Sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Energy (DOE), naging lubos ang paghahanda ng Meralco para sa nalalapit na pagdating ng panahon ng tag-init. Kung supply ang pag-uusapan, siniguro ng Meralco na mayroon itong sapat na bilang ng PSA para sa mga customer nito kasama ang mga PSA na naaprubahan kamakailan lamang matapos nitong sumailalim sa isang matagumpay na competitive selection process (CSP). Sa ilalim ng anim na bagong PSA ng Meralco, kasama sa mga nakasaad sa kontrata ang pagsiguro na palaging makapagbibigay ng supply ang mga planta ng koryente sa ilalim ng nasabing mga PSA.
Marahil mainam ding mas pabilisin pa ng iba pang mga distribution utility (DU) at mga kooperatiba ng koryente ang kani-kanilang CSP upang magkaroon ng mga bagong PSA ang mga ito. Sa bahagi naman ng pamahalaan, marahil mainam din kung sisiguraduhin ng mga ito na magiging mabilis ang pagpapatayo ng mga bagong planta ng koryente sa bansa upang masigurong matutustusan ang patuloy na lumalaking demand sa koryente.
Anuman ang mangyari, sinisiguro ng Meralco na ito ay handang magbigay ng serbisyo araw-araw anumang oras upang masigurong may serbisyo ng koryente sa mga kabahayang kinasasakupan nito. Sakaling tuluyang numipis ang supply ng koryente sa grid, ang Meralco ay may Interruptible Load Program (ILP). Ang ILP ay isang programang inilunsad ng Meralco sa pakikipagtulungan sa mga customer nitong nakakategorya bilang commercial at industrial na mga customer.
Sa ilaim ng programang ito, may kasunduan na ang mga customer na kabilang sa programa ay gagamit muna ng sarili nitong mga generator set sa halip na kumuha ng supply ng koryente sa grid upang mabigyan ng supply ang mga residensyal na customer. Sa kasalukuyan, mayroong 592.9 MW na kabuuang sukat ng koryente na mula sa 138 na kompanyang kabilang sa programa. Patuloy pang nadaragdagan ang bilang ng mga kompanyang nagnanais makasali sa nasabing programa. Napakalaki ng papel na ginagampanan ng programang ito sa pagharap sa hamon ng numinipis na supply na koryente sa bansa kasama na rin ang masinop at matalinong paggamit ng koryente. Para sa aking mga mambabasa, bilang mga konsyumer at tagapangasiwa ng inyong tahanan, malaki rin ang naitutulong kung uugaliin natin ang matalino at masinop na paggamit ng koryente upang makatipid sa konsumo. Kadalasan ay naisasawalang bahala ang mga ito dahil sa likas na kapayakan ng mga ito.
Hinihikayat namin kayong mga Meralco customer na maging masinop at matalino sa paggamit ng koryente sa inyong kabahayan at maging sa inyong mga opisina. Magiging malaking tulong ito sa pagkontrol sa demand sa koryente lalo na sa panahon ng tag-init. Ilan sa mga tip na maaari ninyong gawin ay ang mga sumusunod: (i) pagtanggal sa pagkakasaksak ng mga kagamitang de koryente kung hindi naman ito ginagamit upang makaiwas sa phantom load; (ii) panatilihin sa temperaturang 25 degrees Celsius ang aircon kung ito ay gagamitin; (iii) gumamit ng power board para sa mga kagamitang de koryente upang maaari itong buksan at patayin sa pamamagitan lamang ng isang switch; (iv) iwasang buksan agad ang ilaw sa kuwarto o sa bahay kung mayroon pang natural na liwanag na pumapasok dito; at (v) siguraduhing nasa maayos na kondisyon ang inyong mga kagamitan. Maaaring simple lamang ang aking mga nabanggit na tip ngunit kung susundin nating lahat ang mga ito, magiging malaki ang tulong nito sa pagkontrol ng ating konsumo sa koryente.
Tiyak na magtutulungan ang lahat ng miyembro ng industriya ng koryente sa pagharap sa hamon ng numinipis na supply ng koryente sa bansa. Dito nakasalalay ang patuloy na pag-unlad ng ating ekonomiya at ang tagumpay ng proyekto ng kasalukuyang administrasyon na ‘Build Build Build’. Sigurado akong kakayanin nating mapagtagumpayan ang hamong ito gaya kung paano natin napagtagumpayan ang ating mga hinarap kamakailan lamang tulad ng pagpu-tok ng Bulkang Taal at ang pagpigil sa pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Comments are closed.