HANAPBUHAY AT PENSIYON SA ATLETANG PINOY

pick n roll

TAONG 1988, bokya ulit ang Team Philippines sa minimithing Olympic gold medal sa Seoul, South Korea. Kabuuang 31 atleta – 26 lalaki at 5 babae – ang kwalipikadong Pinoy noon para sa quadrennial meet.

Kumpiyansa ang sambayanan na mapapawi na ang pagkauhaw sa gintong medalya dahil sa  malaking tsansa na nakaamba sa pagsabak sa 11 sports ng atletang Pinoy na kinabibilangan noon ng pinakamatitikas na personalidad sa sports tulad nina Asian Sprint Queen Lydia de Vega-Mercado at swimming star Eric Buhain. Subalit walang gintong naiuwi (sa teknikal na usapin). Dahil kung hindi nga lamang demonstration sport ang bowling ng mga panahon na ‘yun, malamang hindi na nagdesisyon si Arianne Cerdena na magtrabaho sa Amerika bilang isang nurse – dahil tangan ang bansag bilang kauna-unahang Olympic gold medalist… sana.

Sa kabila nito, nagbunyi ang Pilipinas sa bronze medal ni Leopoldo Serantes – isa sa anim na boksingero sa delegasyon ng bansa. Mistulang ginto na rin ang nasungkit ni Serantes bunsod ng katotohanan na ito ang kauna-unahang medalya ng Team Philippines sa Olympics mula nang magwagi ang isa pang boxer na si Anthony Villanueva ng silver medal, may 24 na taon ang nakalilipas, sa Tokyo Games.

Wala ang malalaking cash incentives, magagarang sasakyan na regalo ng mga natuwang kompanya. At wala rin ang bahay at lupa na nagamit sana ng pamilya ni Serantes nang mga panahong siya ang tiningalang bituin sa Philippine sports.

Sa paglipas ng panahon, nawala na rin sa ulirat ng masang Pinoy ang pangalan ni Serantes. Tulad ng mga bayaning nagbuwis ng kanilang buhay para ipagtanggol ang Inang Bayan, nakalimutan na ang kanyang alaala.

Kamakailan lamang, muling naging laman ng pahayagan at ng makabagong social media ang imahe ni Serantes. Lipas na ang ningning at nakaratay na lamang sa banig ng karamdaman. Nagpapasaklolo ang mga kaanak dahil baon na sa utang ang pamilya at wala nang maipantustos sa mahabang gamutan.

At bunsod ng komplikasyon sa baga dulot ng mapamuksang COVID-19, tuluyang sumuko sa kanyang huling laban ang 59-anyos na si Serantes habang nakaratay sa Veterans Memorial Hospital sa Quezon City.

Nagsimula sa hirap. Naging kampeon. Olympian. Imahe ng Philippine sports. Subalit, namatay na walang sariling yaman para maipantustos

Bakit nangyari sa isang magiting na atleta ang kaaba-abang kalagayan? Ano ang naging silbi ng Boxing Association of the Philippines sa isa sa matatag na haligi ng amateur boxing? May pagkukulang ba ang pamahalaan? Hindi malinaw kung ano ang naging trato noon kay Serantes. Ngunit ang kawalan ng kongretong kabuhayan at pensiyon sa panahon ng pagreretiro ng mga atleta na tulad ni Serantes ang isang malaking dahilan sa kanilang abang kalagayan at pananatili sa lusak ng kahirapan.

Maging ang Philippine Olympian Association (POA) na kinabibilangan ni Serantes ay wala pang matibay na pundasyon para alalayan ang mga nagretiro nang mga Olympian. May pinansiyal na tulong na naibigay ang kasalukuyang pamunuan ng Philippine Sports Commission (PSC), subalit maigsi ang kamay ng ahensiya sa sitwasyon.

Panahon na para maihanda ang programa para sa kabuhayan ng mga atletang Pinoy, higit sa mga Olympian para maihanda sila sa panahon ng pagreretiro. At tugma na pasimulan ito ng mga Olympic medalist sa nakalipas na Tokyo Games. Tila magneto sa mga korporasyon, kompanya, negosyante at politiko ang pangalan nina Hidilyn Diaz, Nesthy Petecio, Carlos Paalam at Eumir Marcial. Magagamit nila ito para masimulan ang isang programa na masasandalan ng mga susunod pang Serantes sa Philippine sports.

vvv

(Para sa reaksiyon at suhestiyon, ipadala sa [email protected])

153 thoughts on “HANAPBUHAY AT PENSIYON SA ATLETANG PINOY”

Comments are closed.