SA nakaraang bagyong tumama sa Pilipinas, napakalaki ng pinsala. Maraming bahay at ari-arian ang nasira, mga buhay na nawala, at hanggang ngayon ay dama pa rin ang epekto nito sa maraming lugar kagaya ng kawalan ng koryente, serbisyo ng telepono, internet, at maging tubig na inumin. Matagal na panahon din ang kakailanganin upang maayos ang mga nasira at makabawi ang mga bayang lubhang nasalanta.
Sa gitna ng kalamidad, mabagal ang dating ng ayuda at suporta mula sa mga kinauukulan. Maraming grupo at organisasyon na ang nagbabayanihan upang makapaghatid ng tulong sa ating mga kababayang nangangailangan. Ngunit kailangan pa rin ng iyong kooperasyon at donasyon. Para sa mga may kakayahang magpaabot ng tulong, inaasahan tayo ng ating mga kababayan.
Ang bagyong Odette ay hindi ang huling bagyo na magdadala ng matinding pinsala sa atin. Dahil sa climate change, asahan na nating marami pang kasunod ito, kaya’t napakahalaga ng paghahanda. Mas malalakas na bagyo at pagbaha ang mararanasan natin sa mga darating na taon. Ngayon pa lang, hindi ba dapat naghahanda na ang pamahalaan at bawat mamamayan para sa mga ito?
Malaki ang magagawa ng pagtatanim ng puno at pagkakaroon ng mga mangroves o bakawan.
Seryosohin din natin ang pagpapababa ng ating carbon emissions, bilang indibidwal, pamilya, komunidad, at bansa. Habang may kaunti pang panahon, pakinggan sana natin ang mensahe ng kalikasan.
Paulit-ulit na lamang ang panawagan, sana naman ay hindi tayo maging manhid sa napaka-importanteng mensaheng ito. Ibahagi natin ang balita at baguhin sana natin ang mga gawain o ugaling nakakasama sa kalikasan. Gawin nating tema para sa darating na 2022 ang pagtugon sa banta ng climate change at pagkilala sa climate emergency na dinaranas ng buong mundo ngayon.