(Pagpapatuloy…)
Ipinaliwanag ng Climate Change Commission (CCC), na habang tumataas ang antas ng global warming, ang mga matitinding sama ng panahon at iba pang pagbabago sa klima ay magiging mas malala, at maaaring irreversible pa nga. Ibig sabihin, hindi na maibabalik sa dati ang kondisyon o sitwasyon.
Apektado ang ating ekonomiya at pag-unlad bilang bansa. Ang pagtaas umano ng temperatura ay nakaaapekto sa water cycle na siyang magdadala ng mas malalakas na pag-ulan at mas matitinding pagbaha. Kasabay na rin nito ang grabeng tagtuyot sa ilang bahagi ng mundo.
Ayon pa sa CCC, kailangang palakasin ang tinatawag na adaptation actions, o mga pagkilos upang tugunan ang climate change, sa antas ng komunidad upang matulungan ang mga komunidad na ito na maging matatag lalo na’t kung may dumarating na kalamidad.
Ang mga ahensiya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan ay kailangan din umanong tumingin sa climate science habang sila ay gumagawa ng mga polisiya at nagpapatupad ng mga proyekto at programa lalo na sa mga lugar na may mataas na banta ng ganitong uri ng kalamidad. Ang mga kompanya, negosyo, at maging ang mga tahanan ay kailangang may kaalaman din tungkol sa mga banta sa klima partikular sa kanilang kinalalagyan.
Isang malawakang pagbabago ng mga sistema ang kinakailangan upang maprotektahan ang ating bansa at mamamayan sa mga darating na panahon—iyon ay kung maaari pa ngang gawin ito. Ang transpormasyong ito ay mangangailangan ng pagbabago sa lahat ng aspeto ng pagpaplano at pamumuhunan tungo sa kaunlaran.
Ang bagyong Odette ay isang paalala na ang matinding unos ay maaaring sumira ng buong bayan at magdulot ng matinding hirap at pagkasira pagkatapos lamang ng ilang oras na pamamalagi sa ating teritoryo. Habang may panahon pa, gawin nating matatag ang ating plano at aksiyon na tutugon sa nagbabagong klima ng mundo.