HANDA BA TAYO SA MGA SUSUNOD PA SA BAGYONG ODETTE?

(Pagtatapos…)
Upang matugunan ang mas lumalalang epekto ng pagbabago ng klima, at bilang bahagi ng pangmatagalang programa tungo sa rehabilitasyon, binigyang diin ng Climate Change Commission (CCC) at ng mga ekspertong kabilang sa kanilang national panel ang mga sumusunod:

Mahalagang mapalakas ang kakayahan ng mga LGUs at mga komunidad na maunawaan ang mga panganib na kaugnay ng pagbabago ng klima para sila ay makapaghanda nang tama

Kailangan ding taasan ang pamantayan kaugnay ng pagtatayo ng mga bahay at imprastraktura upang maging sapat ang tibay ng mga ito laban sa malalakas na hanging dala ng matitinding unos; mahalaga rin ang pagkakaroon ng tinatawag na green spaces sa mga siyudad upang mabawasan ang pagbaha

Magkaroon ng impact-based forecasting bilang bahagi ng sistema upang maagang magbigay ng babala sa mga komunidad para sila ay makapaghanda at makalikas bago dumating ang kalamidad; mahalaga ito lalo na sa mga taong nakatira sa mapanganib na lugar

Dapat ding magkaroon ng regular na drills or pagsasanay sa buong bansa kaugnay ng paghahanda at pagtugon sa bagyo, kagaya ng mayroon tayo para sa mga lindol

Mainam na magkaroon ng tinatawag na “sister cities and municipalities” program para sa pagpapalitan ng tulong sa pagitan ng dalawa o higit pang mga lugar

Bilang panghuli, mainam na maisalin ang mga impormasyon tungkol sa klima patungo sa mga produkto o materyales na makapagbibigay ng impormasyon; kailangan ding maisama ang climate action sa ating mga educational curriculum sa lahat ng antas

Habang tayo ay patuloy na bumabangon mula sa matinding epekto ng bagyong Odette, tandaan din natin ang layunin sa ilalim ng Paris Agreement: limitahan ang global warming hanggang 1.5 degrees

Celsius lamang. Ito ang hangganan sa klima upang ang tao ay patuloy na mabuhay sa daigdig na ito.