HINDI maipagkakaila na dahil sa matagal na sarado ang mga paaralan ay natambak na ang kailangang habulin ng mga guro at estudyante pagdating sa usapin ng pagtuturo at pag-aaral. Kailangang makahabol upang masiguro na mataas ang kalidad pagdating sa sistema ng edukasyon, sa pagtuturo man at sa pag-aaral o pagkatuto ng mga estudyante.
Upang makamit ang mataas na kalidad ng edukasyon dito sa atin, mayroong ilang hakbang na dapat gawin. Halimbawa, importanteng mapanatiling kaunti ang bilang ng mga estudyante sa isang klase upang matutukan ng mga guro ang mga estudyante nila. Alam naman natin ang mga dahilan kung bakit maaaring hindi maging matagumpay ang pagtuturo sa mga bata sa loob ng mga ganitong malalaking klase. Kung mas maliit ang mga klase, kasunod na nito ang pangangailangan sa mas maraming mga silid-aralan at mga guro. Dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng COVID sa bansa, mas ligtas din ang pagkakaroon ng kaunting estudyante sa bawat klase.
Maraming mga guro at mga grupo nila ang humihiling sa kasalukuyang administrasyon, partikular sa Department of Education na pinamumunuan ni VP Sara Duterte, na unahin muna sanang mapuno ang mga bakanteng posisyon at magtalaga ng mga tungkulin at ranggo sa mga gurong aplikante na ilang taon na ring naghihintay. Hinihiling din nila sa gobyerno ang pagtatayo ng mas marami pang silid-aralan.
Importanteng mapaghandaan ang lahat ng ito bago dumating ang ika-22 ng Agosto, ang petsang pinili ng DepEd para sa muling pagbubukas ng mga eskwelahan. Sinabi ni VP Sara Duterte na ipatutupad na ang full face-to-face classes ngayong paparating na taong panuruan. Ngunit gaya ng inaasahan, hindi lahat ay masaya tungkol sa balitang ito.
(Itutuloy)