(Pagpapatuloy)
MAY mga guro at organisasyon ng mga guro ang nagsasabing hindi sapat ang mga ipinatutupad na health measures sa mga paaralan.
Bukod pa rito, hindi pa umano tapos ang kanilang mga paghahanda. Sa madaling salita, hindi pa umano handang bumalik ang sektor sa dating katayuan nito bago magkaroon ng pandemya. Lalo na sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa kung saan ang mga kaso ng COVID-19 ay tumataas na naman.
Karagdagan pa rito ay ang utos ng DepEd na walang paghihiwalay na magaganap sa pagitan ng mga bakunadong mag-aaral at yaong mga walang bakuna.
Ang nakaraang taong panuruan ay natapos noong ika-24 ng Hunyo, ngunit mayroon pa ring mga guro na pumapasok sa paaralan matapos ang petsang ito.
Ang grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) ay umasang mabibigyan sila ng DepEd ng sapat na oras ng pahinga at paghahanda—mas mabuti kung sa Setyembre ang pagbubukas ng klase, ayon sa kanila. Ngunit ang DepEd ay talagang desididong buksan na ang mga eskwelahan sa susunod na buwan ng Agosto.
Ayon sa Order No. 34, series of 2022 ng ahensiya ng edukasyon, ang limang araw kada linggo na in-person classes ay dapat maipatupad pagdating ng ika-2 ng Nobyembre. Ang panahon mula ika-22 ng Agosto hanggang sa unang araw ng Nobyembre ay magsisilbing transition phase ng mga paaralan.
Idiniin ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio ang pangangailangan ng pagdo-double time upang mas maraming araw ng pagpasok ang mangyari at nang mahabol umano ang mga panahong nawala noong ipinatupad ang mga lockdown. Ang target na bilang ng araw para sa klase ay 215, ibig sabihin ay sa ika-7 ng Hulyo taong 2023 matatapos ang darating na taong panuruan. Ang mga remedial at advanced summer classes ay maiiskedyul mula sa ika-17 ng Hulyo hanggang ika-26 ng Agosto ng taong 2023. Magkakaroon din siyempre ng mahahabang pahinga o bakasyon mula ika-19 ng Disyembre hanggang sa unang araw ng Enero (Christmas break) at ika-6 hanggang ika-10 ng Pebrero (mid-year break).