KAHIT wala pang opisyal na deklarasyon ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA-DOST), halos ramdam na nating lahat ang summer.
May magandang balita rin para sa ating mga manggagawa dahil makakaranas na naman tayo ng extended long weekend sa Holy Week.
Aba’y idineklara kasi ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang Abril 6, 7, at 10 bilang regular holidays para sa paggunita ng Semana Santa at selebrasyon ng Araw ng Kagitingan.
Dahil ang Abril 8 at 9 ay natapat sa weekend at nasa pagitan ng tatlong regular holidays ay nagkukumaway na ang five-day long weekend break.
Hindi na naman ito bago sa ating pandinig. Parang reiteration na lang ito ng proklamasyon ni PBBM.
Kung maaalala kasi, noong August 2022, idineklara ng Presidente ang Abril 6 hanggang 7 bilang regular holidays sa pamamagitan ng Proclamation No. 42 habang ang Abril 10 (Lunes) ay ginawa na ring holiday sa pamamagitan ng Proclamation No. 90 na inilabas noong November 2022.
Ang mga pagbabagong ito ay ginawa, siyempre, upang mapalakas ang turismo at ma-enjoy natin ang panibagong long weekend na ito.
Sapagkat Marso, halos nasa kalagitnaan na tayo ng panahon ng tag-init sa Pilipinas, kahit may ilang lugar na inuulan pa rin bunsod marahil ng climate change.
Tiyak na dadagsain na naman ang Baguio City at Tagaytay City sapagkat tanging sila ang nasa mataas na kabundukan na lumalabas na maayos ang kalagayan tuwing summer months.
Daang libo na naman siguro ang magsisiksikan sa mga kalsada para umakyat sa Baguio at Tagaytay, lalo na pagsapit ng Abril.
Pagdating naman ng Mayo, maaaring ulanin na naman tayo.
Hindi maitatatwa na ganito ang takbo ng panahon sa Pilipinas.
Kaya dapat ay masanay na tayo kahit kapansin-pansin ang pagdating sa bansa ng mas malalakas at mapaminsalang mga bagyo kumpara sa dati.
Mapapansin din na mas matagal at malakas ang mga pag-ulan habang higit na mainit ang panahon na isinisisi na rin sa pabago-bagong klima.
Tuwing summer, lumulutang din ang iba’t ibang uri ng sakit na dulot nga ng panahon ng tag-init.
Maliban diyan, dapat din tayong mag-ingat sa mga mapagsamantalang negosyante.
Habang patok na patok ang inuming tubig dahil nagiging mainit na naman ang panahon, tiyak na mamamayagyapag na naman ang mga tusong negosyante.
Madalas, sa ganitong panahon, tinataasan nila ang presyo ng inuming tubig at iba pang mga produktong pamatid-uhaw.
Kinakagat na lang ng mga pasahero o tao ang mataas na presyo dahil uhaw na uhaw nga ang mga ito.
Pikit-mata na lang nilang tatanggapin ito.
Pilit na tatanggapin ang katotohanang wala silang magawa sapagkat kailangang uminom nang malamig na tubig.
Sa palagay ko, ngayon pa lamang, nararapat kumilos ang Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang kinauukulang ahensya hinggil dito.
Mahalagang bantayan ang mga tusong negosyante.
Kapag napatunayan na namamantala sila, patawan ng parusa.
Dapat putulin ang sobra-sobra nilang pagpapatubo sa kanilang paninda.
Nagiging kawawa ang mamamayan sa kanilang kasuwapangan.