HANDA NA BA KAYO SA ECQ?

ATING binabati ang IATF dahil bago mangyari ang paglobo ng mga nahawahan ng sinasabing COVID-19 Delta variant ay inirecomenda na nila ang pagbabalik natin dito sa Metro Manila sa ECQ.

Kaya iyong mga may tiket na upang mamasyal sa labas ng Maynila tulad sa Boracay, Bohol, Cebu, Davao at iba pang lugar sa Pilipinas ay inabisuhan na ng PAL na mag-rebook o kaya ay kumuha ng refund sa mga nabili nang tiket. Ang pinapayagan lamang magbiyahe ay iyong importanteng pagbiyahe o “essential travel” katulad ng pag-uwi dahil may namatay na magulang, kapatid o asawa, dahil magpapagamot sa Maynila, o kaya biyahe sa negosyo o sa trabaho. Iyong ibang dahilan kagaya ng pagdalo sa kasalan o kaya pamamanhikan ay hindi kayo makakabiyahe.

Noong huli akong bumiyahe sa Cebu noong Hulyo ay kailangang magpa-swab 72 oras bago ang biyahe at kailangan ka pang tanggapin ng lugar na iyong pupuntahan. Dapat ay ayusin mo ang lahat ng ito bago ka umalis upang ikaw ay makasakay sa eroplano

Sa ngayon ay walang problema sa International travel dahil hindi po kasama sa paghihigpit ang international travel at lahat ng flights sa pag-alis at pagdating sa Pilipinas ay walang problema. Sana naman matuloy ang aking pagpunta sa US sa susunod na buwan upang magamit ko na ang aking tiket sa US na ilang taon na palaging nare- rebook. Masyadong tumaas ang presyo ng tiket papunta sa US now dahil iyong tiket na nabili ko lamang sa P30,000.00 round trip sa US ngayon ako ay nagdagdag ng P25,000.00 upang makaalis lamang. Ganyan talaga dahil sa nabawasan ang pasahero at nabawasan ang biyahe kaya sa mga bumibiyahe na lamang naidadagdag ang presyo.

Dito sa Metro Manila ang dapat paghandaaan ay siguraduhin na kayo ay may quarantine pass. May mga barangay na balewala na iyong dating quarantine pass at dapat ay kumuha ng bago sa taong ito. Baka ganoon din ang inyong barangay dapat ay magtanong po kayo. Alam naman ninyo na hindi kayo makakalabas at makakapunta sa palengke o tindahan kung walang quarantine pass kaya asikasuhin ninyo ito agad.

Baka sarado rin ang mga bangko kaya dapat ay kung may malaking gastusin ay nakalagay na iyon sa inyong ATM dahil pag-ECQ naman ay mayroong naglalagay sa bangko. Huwag po tayong mag-panic buying dahil nagpa-panic eating ang karamihan kaya pagkatapos ng ECQ tumataba ang mga tao. Dapat ito ang panahon na magkaroon tayo ng panahon na mag-ehersisyo at magulat sila na pagkatapos ng ECQ, may muscles na tayo. Ang aking inihanda lamang ay ang aking mga gamot na pang-isang buwan, kung kulang naman ang inyong pambili ay ok din naman iyon. Kaya dapat talagang magtipid at huwag na gumastos sa ‘di naman kailangan.

Magbawas na rin ng mga gamit na ‘di kailangan at gawing pera na iyon.

Kung prepaid kayo sa inyong cellphone, maaari rin kayong maghanda ng mga prepaid cards pang emergency. Dapat din ay may plano na kayong gagawin upang may magawa tayong kapaki-pakinabang kagaya ng pag-alis ng mga hindi na ginagamit na damit, mga lumang sapatos, bags, libro at magazines na puwedeng ipamigay o itapon na. Linisin po ninyo ang inyong refrigerator at baka marami nang dapat alisin, gayundin ang inyong mga lalagyan ng delata baka mgaexpired na iyan.

Sana ay huwag din ninyong kalimutang magdasal upang ang ating bansa ay maiwasan ang malawakang pagkalat ng Delta variant. Huwag pong matigas ang ating ulo, kung wala namang gagawin ay sa bahay na lamang tayo. Ito ang panahon ng pasasalamat na may bahay at pamilya tayong mauuwian. Paano na lamang ang mga tao na sa kalye lamang natutulog, ano kaya ang gagawin sa kanila?

Patuloy nating gawin kung ano ang nararapat upang maging handa sa darating na ECQ. Ako ay may plano na kaya excited na ako upang magawa ko na ang aking dapat gawin.

85 thoughts on “HANDA NA BA KAYO SA ECQ?”

Comments are closed.