HANDA NA NGA BA TAYO SA PAGBUBUKAS NG SCHOOL YEAR 2022-2023?

TILA super excited na ang libo-libong estudyante sa pag-arangkada ng face-to-face classes sa Lunes (Agosto 22) sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.

Kung hindi ako nagkakamali, nasa 20.62 milyong estudyante mula sa public at private schools ang nag-enroll.

Mula Agosto 22 hanggang Oktubre 31, blended learning daw muna ang gagawin.

Magiging 100% F2F na raw pagsapit ng Nobyembre.

Sinasabing maging ang Department of Education (DepEd) ay handa na rin daw.

Katunayan, nagkaroon na ng Oplan Balik-Eskwela noong Lunes, Agosto 15.

Sinasabing 17 ahensiya ang nakiisa sa DepEd, kabilang na rito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Department of National Defense (DND), Department of Science and Technology (DOST), Department of Transportation (DOTr), Department of Energy (DOE), Department of Interior and Local Government (DILG) at iba pa.

Sabi nga, wala nang atrasan sa school opening.

Parang wala ring balak si Vice President at DepEd secretary Sara Duterte na i-postpone muna ang pasukan para magkaroon naman ng break ang mga guro.

May ilang grupo kasi na humihirit na ipagpaliban ito.

Katatapos lang daw kasi ng May 9 elections.

Well, aprubado na rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pagbubukas ng klase kaya’t hindi na raw ito maaaring ipagpaliban.

Kumbaga, ‘all systems go’ na kasi ang DepEd o lahat ng paghahanda ay naisaayos na.

Ang nakakatakot, nariyan pa rin ang banta ng COVID-19 at may mga lumuta pang iba’t ibang viruses tulad ng ‘langya’, monkeypox, at iba pa.

Hindi rin maitatanggi ang pag-iral ng iba pang variant ng coronavirus.

Kaya dapat tiyakin ng DepEd na magiging ligtas ang mga bata at mga guro laban sa impeksiyon sa pagbubukas ng klase.

Mahalaga na bakunado na ang mga bata.

Hindi nga lang dapat sapilitan ang pagpapabakuna.

Magpapakalat din daw ang Philippine National Police (PNP) ng 23,000 pulis sa iba’t ibang sulok ng bansa.

Sa ganitong paraan daw ay matitiyak ang kaligtasan ng mga estudyante.

Sana nga ay totoo ang bilang na ito.

Talagang mahalaga ang police visibility sa paligid ng mga paaralan.

Tunay na makakahinga nang maluwag ang mga bata at kanilang mga magulang kung may mga pulis sa paligid.

Importanteng tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante, hindi lamang laban sa virus, kundi maging sa mga masasamang-loob.

Tandaan din na sa pasukan, maraming suliranin ang nakaatang sa mga magulang lalo na sa gastusin.

Kaya para sa akin, habang nasa krisis pa tayo, hindi muna dapat ipilit ngayong school year ang mandatoryong Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) at Citizen Army Training (CAT), maliban lamang kung sasagutin ng gobyerno ang uniporme ng mga kadete.

Aba’y tandaan na bibili pa ang mga magulang ng mga gamit ng kanilang mga anak gaya ng mga kuwaderno, lapis, bolpen, papel, uniporme, sapatos, at iba pa.

Mas magiging mahirap ito sa mga magulang na mas maraming anak.

Apektado rin sila sa pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin at pati na ang pamasahe sa mga pampublikong sasakyan, bukod pa riyan ang mga bayarin sa paaralan, tulad halimbawa ng kontribusyon sa Boy Scouts o Girl Scouts, Philippine Red Cross, anti-TB, at maging sa ambagan ng Parents-Teachers Association (PTA) para sa tubig, ilaw, suweldo ng janitor, at marami pang iba.

Malinaw naman at nasusunod ang ‘no collection policy’ sa araw ng pagpapatala ng mga mag-aaral.

Ngunit sa dulo nga lang nito, walang clearance o hindi bibigyan ng card o grado ang mga bata kung may balanse pa sa kontribusyon.

Tsk, tsk, tsk.