INAASAHANG maipalalabas na ang P1.49-trillion na pondo ng bansa laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa katapusan ng buwan, ayon sa Department of Finance (DOF).
Sinabi ni Finance Acting Undersecretary Antonio ‘Tony’ Lambino II na ang funding requirement ng pamahalaan ay inaasahang magiging available sa Abril 30.
“Estimate is all of the financing will be ready by end of April,” ani Lambino.
Noong Martes ay inihayag ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na nalikom na ng administrasyong Duterte ang funding commitment na P1.491 trillion, na katumbas ng 8% ng gross domestic product (GDP) hanggang noong 2019.
Naunang sinabi ng pamahalaan na target nitong gumastos ng P1.17 trillion para sa COVID-19 response measures, kung saan nasa P836.4 billion ang lilikumin kasama ang monetary authorities upang suportahan ang ekonomiya.
Comments are closed.