HANDA NA SA PASUKAN

MARAMING mga estudyante at mga guro ang balik-eskwela na sa Lunes. Sabay na sabay ang pasukan sa panahon ng tag-ulan. Balik na naman ang trapik sa mga kalsada. At mataas pa rin ang bilang ng mga may COVID-19 sa bansa.

Simula noong ika-15 ng Agosto ay ibinalik na ang Number Coding Scheme sa Metro Manila mula Lunes hanggang Biyernes. Ito ay ipinatutupad sa mga oras na 7:00 – 10:00 ng umaga at 5:00 – 8:00 ng gabi.

Puno rin ang mga bookstores dahil siksikang muli ang mga tao sa pagbili ng mga gamit sa eskwela. Dahil sa pandemya, ilang taon din nating hindi naranasan ang mga ganitong nakaugalian na tuwing darating ang pasukan.

Makabubuting maghandang mabuti ang mga estudyante, mga guro at mga magulang upang harapin ang kasalukuyang mga hamong pang-kalusugan at pampinansiyal. Natapat din ang pasukan sa isang krisis sa ekonomiya at maraming pamilya ang naghihigpit ng sinturon upang matustusan ang pangangailangan ng mag-anak.

Palakasin ang resistensiya upang malabanan ang mga sakit sa kapaligiran. Gumising ng maaga upang hindi mahuli sa klase kahit mabigat ang trapik. Maghanap ng mga paraan upang makatipid sa gamit, baon, pamasahe, at iba pang gastusin sa pag-aaral.

Laging sinasabi na tayong mga Pilipino ay matiisin, matatag, at mahusay humarap sa mga hamon ng buhay. Sandata rin natin ang ating karanasan at pananampalataya sa Maykapal. Hangad ko ang ginhawa para sa mga mag-aaral, guro, magulang, at iba pang manggagawa na sasabak sa panibagong taong-pang-akademiko sa darating na Lunes.