KUNG papitik-pitik lang ang ‘pipitsuging’ kandidato ng presidente ng Aksyon Demokratiko, nagpakitang gilas ang Team Isko nang i-release nitong Martes, Disyembre 28 ang isang music video na nagpapatingkad sa buhay basurero, padyak driver at matinee idol na ngayon ay isa sa pinakamaimpluwensiyang alkalde sa bansa.
“Maraming-maraming salamat sa inyong suporta, tuloy lang tayo sa laban, sa awa ng Diyos, we will win,” sabi ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa report na umani agad ng 26,000 views sa YouTube sa unang oras nang iposte ng tanghaling tapat ng Martes, ang music video na “Nais Ko.”
Sa ikatlong oras, lumundag sa 55,000 views ang video na tinalo ang 37,000 views ng “Pag-ibig ang Kulay ng Pasko” ni Yorme Isko, apat na araw matapos na iposte sa You Tube.
Siyam na oras, matapos iposte ang “Nais Ko”, nilampasan nito ang 431,000 views ng “Sama-Sama Ngayong Pasko” ng mahigit sa 4,000 views.
“Phenomenal po ito kaya maraming-marami pong salamat sa inyong patuloy na suporta, iba kayong magmahal, kaya lalo ko kayong mamahalin, mas higit ko kayong iibigin,” bulalas sa tuwa ni Yorme Isko sa nag-view ng kanyang music video.
Ang pinakasikat na Pinoy rappers Smugglaz and Bassilyo ang nagpakana ng apat na minuto at 27 segundong music video na “Nais Ko” na nagbigay-buhay at kulay sa sinilangang dugyot na buhay ni Isko sa Tondo, Maynila, 47 taon ang nakararaan.
Sa umpisa ng music video, mapapanood ang isang nagsisigarilyong babae na inaasikaso ang pagluluto ng isdang tuyo, nagpapakulo ng tubig sa takure para sa titimplahing barakong kape at kaning sinangag.
Makikita si Isko, nakasuot ng mumurahing sando, nakaupo sa harap ng mesang kainan, kasama sina rapper Smugglaz and Bassilyo.
Sinabayan na ng pag-rarap si Isko habang maganang kumakain ng ulam na tuyo at sinangag na kanin.
Sumunod na eksena, nag-iikot sa barong-barong si Isko at naglakad sa gitna ng kalsada na sinusundan ng dalawang rapper at ilang lalaki.
Habang naglalakad, isinusuot ni Isko ang paboritong asul na long sleeves polo na kinuha sa munting kabinet na lalagyan ng mga nakatuping damit.
Maririnig sa music video, ang tinig ni Yorme Isko na sinasabi, “Posible,” “Pwede,” “Kaya,” at “Naman.”
Salitang kanto ito na madalas maririnig sa umpukan ng karaniwang tao, at makikita si Yorme Isko na nakipag-umpugang kamao sa isang matandang lalaki at isang kapitbahay.
Ilang segundo sa music video, makikita si Isko na sarap na sarap sa pagkain ng tinutusok-tusok na fishball sa loob ng basong plastik.
Kasunod, ini-straw ni Isko ang soft drink sa isang basong plastik habang nakasakay sa ipinapasadang sidecar.
Makikita sa video ang iba-ibang mukha ng mga residente ng Maynila habang si Yorme ay nakaturo ang daliri sa harap ng kamera.
Sa pagtatapos ng music video, sumasabay na si Isko sa pagkanta ng dalawang rapper, at maririnig na sinasambit, “Posible,””Puwede,” “Kaya,” at “Sana.”
Ipinakikita sa video – na isiniyut sa loob ng anim na oras sa Brgy. 97, Varona Street sa Tondo — na masayang sinusuportahan ang kandidatura ni Yorme para pangulo sa Mayo 2022.
Masasalamin sa music video kung gaano kalapit at higpit ang pagmamalasakit ng alkalde sa karaniwang tao.
Ang araw-araw na pakikibaka sa buhay ng dugyot na Pilipino ay mensaheng matagumpay na naitawid sa puso’t isip ng makapapanood sa music video.
Ang posible, ang pwedeng pagbangon, pag-angat sa buhay mahirap at ang sana na pag-asam sa tagumpay sa buhay at kabuhayan ang karanasang nilakhan at pinagtagumpayan ng batang Isko.
Malinaw itong nailarawan ng music video na “Nais Ko.”
o0o
Gumawa rin ng ganitong music video sina Smugglaz at Bassilyo na ginamit ni Isko sa matagumpay na panalo niya sa pagtakbong alkalde noong 2019.
Batang Tondo rin si Smugglaz at inaanak ni Isko kaya alam na alam nila ang pulso ng mga pusong dugyot na Manilenyo. Nahalal si Moreno na konsehal sa edad 23, na matapos ang tatlong sunod na termino,nahalal siya na bise-alkalde, muli sa sunod-sunod na tatlong termino.
Sino ang mag-aakala, itataob niya ang kusina ng politika ng dalawang higante sa politika ng Maynila noong 2019.
Mahirap talunin ang pinakasikat na dating presidente at dalawang ulit nang nakaupong Mayor Erap Estrada at dating heneral ng pulisya, dating NBI director, DILG secretary at senador at dati ring Manila Mayor Fred Lim.
Giant killer nga ang batang dugyot ng Tondo.
o0o
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].