HANEP KA, WILLIE NEP, HAHANAP-HANAPIN KA NAMIN

WALA na si Willie Nep.

Wala na ang kaisa-isang Willie Nep.

Nakakuwentuhan natin ang Master Impersonator noong tayo ay nasa Manila Bulletin pa noong Agosto ng 2012.

Napag-alaman nating inilista siya ni Dolphy bilang isa sa mga hinahangaan niya.

Inihanay siya kina Bayani Agbayani, Vhong Navarro, Michael V. at Vic Sotto.

Katunayan, talagang binanggit si Willie Nep sa talambuhay na pinamagatang Hindi Ko Ito Narating Mag-isa ng King of Comedy: “Si Willie Nepomuceno, well, isa pa itong antigo, pero ang hirap ng ginagawa niya. Pinag-aaksayahan niya ng time and effort. Bihira ang mga comedian na tulad niya.”

Sa pagpanaw ni Willie Nep, nasa mabuting mga kamay ang kanilang larang.

Nasa Working Boys 2: Choose Your Papa(2023) si Bayani Agbayani.

Ang Gento ng SB 19 ay ginawan ng version sa TikTok ni Vhong Navarro na parang reaksiyon niya sa kontrobersiyang Vice Ganda’t Ion Perez sa kanilang It’s Showtime.

Trending daw ang parody ng Uhaw ng Dilaw sa tulong ng Oh Wow! ni Michael V. na buhay na buhay sa Bubble Gang at Pepito Manaloto – bukod pa vlog na #BitoyStory.

At, siyempre, ang V sa TVJ na si Vic Sotto matapos mag-ninong kina Arjo’t Maine ay magiging tatay na muli sa kanyang kabiyak na si Pauleen Luna.

Hindi ganun kaingay ang buhay ni Willie Nep.

Mabibigo ka nga kung hahanapin mo siya sa social media.

Kataka-taka tuloy kung bakit wala siyang show nitong nagdaang eleksiyon?

Kaya laking gulat natin nang makatanggap tayo ng balitang malungkot mula sa kanyang anak-anakang si Madonna Ma.

Nag-share siya ng mensahe ni Willie Wilsson Nepomuceno na ngayo’y beterinaryong may-ari ng The House of Pets Veterinary Clinic: “Alam mo na ba nangyari sa Tatay? Nasa ospital siya ngayon sa Marikina Valley sa ICU. Nahulog siya sa higaan niya at tumama ang ulo. A few hours later nawalan na siya ng malay sa banyo. As of last night, naoperahan na siya sa ulo to relieve the swelling. Stable condition pero comatose pa rin siya.”

Ilang oras ang lumipas noong 26 Hulyo 2023, dumating ang di-inaasahan: “Let us all meet at Willie Nep’s Final Curtain Call, Standing Ovation Send-off, 1PM, Paket Santiago Funeral Homes, San Roque, Marikina.”

May misa pagkatapos sa Our Lady of Abandoned Church kaya aakalaing abandonado rin siya.

Hindi.

Kung pagbabatayan ang dami ng nakiramay sa kaniyang inurnment sa Loyola Memorial Park.

Marami pa ring nagmamahal sa anak ng pulis na isa ring boksingerong mahusay sumayaw at piyanistang naging beautician.

Minana niya ang katawang may samu’t saring katauhan.

Inilibing ito kasabay diumano ng satirikong politikal sa bansa.

Noong 5 Agosto ginanap ang Pagpupugay, Pasasalamat sa alma mater niyang University of the Philippines College of Fine Arts.

Lagi’t laging Diliman ang kanyang nililingong pinanggalingan: “I experimented by creating make-believe scenarios with Marcos as the main character. The audience lapped it up and henceforth I became a regular fixture in most rallies and that was the beginning of my satirical impressions.”

Alam na ninyo kung bakit siya tuluyang nawalan ng gana.

Ang hula ninyo ang hula na rin natin.