MULING umukit ng kasaysayan si June Mar Fajardo ng San Miguel Beer makaraang tanggapin ang kanyang ika-6 na sunod na PBA Most Valuable Player trophy.
Isa itong unprecedented feat para sa San Miguel Beer center, na noong nakaraang taon ay binasag ang pagtatabla kina Alvin Patrimonio at Ramon Fernandez para sa pinakamaraming MVP awards.
Tinanggap ni Fajardo ang tropeo sa Leo Awards na pormal na nagsara sa 44th season ng PBA kahapon sa Araneta Coliseum.
Si Fajardo ay kasalukuyang nagpapagaling mula sa fractured shin, dahilan para dumalo siya sa seremonya na nakasakay sa isang mobility scooter.
“Sana hindi kayo magsawa sa akin dito, sana next year ulit,” pahayag niya sa kanyang acceptance speech.
Ang 6-foot-10 na si Fajardo ay hindi makapaglalaro sa Philippine Cup, kung saan mahihirapan ang five-peat champ Beermen na idepensa ang korona.
“Malungkot na na-injured ako ngayon pero still, thankful pa rin ako kay God sa nangyari. May plano si God para sa akin, kailangang maging positive lagi,” wika ng Cebuano superstar, na nakalikom ng kabuuang 3,140 points mula sa statistical points, media votes, players’ votes at PBA votes upang kunin ang MVP No. 6.
Sinamahan ni Fajardo sina TNT’s Jayson Castro, Columbian Dyip’s rookie sensation CJ Perez, at NorthPort’s Christian Standhardinger at Sean Anthony sa Mythical First Team.
Kabilang naman sina TNT’s RR Pogoy at Troy Rosario, Ginebra’s Stanley Pringle at Japeth Aguilar, at Magnolia’s Ian Sangalang sa Mythical Second Team.
Pinangunahan din ng MVP ang All-Defensive Team, kasama sina Anthony, Aguilar, SMB teammate Chris Ross at Perez.
Naiuwi naman ni Perez ang Rookie of the Year honors, habang nakuha ni Mo Tautuaa ng San Miguel ang Most Improved Player plum.
Si Gabe Norwood ng Rain or Shine ang tumanggap ng Sportsmanship Award.
Tinanggap ni Fajardo ang award habang nakaupo sa kanyang scooter katabi ang kanyang mga magulang na sina Bonifacio at Marites.
Sinamantala niya ang pagkakataon para ibahagi ang naging impluwensiya ng kanyang mga magulang sa kanyang basketball journey.
“Hindi ako nahihiyang sabihin na galing ako sa hirap kaya ako nagpursigi. Gusto ko silang mabigyan ng magandang buhay, gusto ko feeling secured sila na wala na silang iisipin, hindi nila iisipin saan kukuha ng pambayad ng koryente at tubig,” aniya.
Comments are closed.