(Hanggang 75%) BAWAS-PRESYO SA 150 GAMOT

Gamot

INIALOK kahapon ng isang grupo ng drug manu facturers na tapyasan ang presyo ng ilan sa kanilang ibinebentang gamot ng hanggang sa 75 porsiyento.

Ayon sa Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP), handa ang ilan nilang miyembro na ibigay ang mas mababang presyo sa publiko, katulad  ng presyo na kanilang ibinebenta sa gobyerno sa maramihang pagbili.

Sinabi ni executive director Teodoro Padilla,  kung papayag ang Department of Health (DOH), nasa 150 mga gamot ang kasama sa  babawasan ng  presyo.

Kabilang  sa mga  gamot  na maaring bawasan ang presyo ay   ang para sa mga sakit sa puso, diabetes, sakit sa bato, hika, psoriasis, mga neurologic disorder, HIV, infectious diseases, at iba pa.

Handa rin  silang bawasan ang presyo ng mga gamot para sa ilang uri ng cancer, gaya ng sa breast, colorectal, lung, cervical, kidney, ovarian, lymphoma, at prostate.

Inihayag ng PHAP ang alok sa harap ng panukala ng DOH na magtakda ng price cap sa 120 gamot para maging mas abot-kaya ng mga Filipino.

Inaasahang bababa ng 54 porsiyento ang halaga ng gamot sa ilalim ng ipinapanukalang maximum drug retail price ng DOH.

Nauna nang sinabi ng DOH na apat  na beses pa ring mas mataas ang presyo ng generic drugs sa Filipinas kumpara sa ibang bansa habang nasa 22 beses namang mas mataas ang presyo ng branded na gamot, lalo sa mga pribadong ospital at botika, kumpara sa ibang bansa.

Sa survey noong Setyembre ay  99 porsiyento ng 1,200 Filipino ang nagsabing hindi na nila nabibili ang mga nireresetang gamot dahil mahal ang mga ito.

Comments are closed.