(Hanggang 90 araw lang)SIM REG ‘DI NA MULING PALALAWIGIN

PINAYUHAN ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mga hindi pa nakapagpaparehistro ng kanilang SIM card na samantalahin ang 90-day extension period dahll huli na ito at hindi na palalawigin pa.

“Magrehistro na po kayo. Binigyan na po kayo ng 90 days more to register,” pahayag ni DICT Secretary Ivan John Uy sa isang panayam sa Super Radyo dzBB.

“This is the final extension dahil ang batas natin hindi na kami binibigyan ng kapangyarihan upang mag-extend pa ulit,” sabi ni Uy.

Nitong Martes ay inaprubahan ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang 90-day extension ng SIM registration period o hanggang July 25 mula sa orihinal na deadline na April 26.

Hanggang April 24, 2023., nasa 87,442,982 o 52.04% ng kabuuang 168,016,400 subscribers sa buong bansa ang nakapagparehistro na ng kanilang SIMs.

Ayon kay Uy, target ng pamahalaan na mairehistro ang 70% ng kabuuang subscribers.

“At 70%, we’re looking at 100 million to 110 million legitimate SIM users. We’re now at 82 million registered,” ani Uy.

Sinabi pa ng kalihim na in-upgrade na ng telcos ang kanilang systems para maging madali sa publiko ang magparehistro.

Maaari na rin aniyang gamitin ang barangay IDs sa pagpaparehistro ng SIM cards dahil may ilang indibidwal ang walang anumang government IDs.