MULING nagpaalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa public utility jeepney (PUJ) operators na samantalahin ang extension para sa konsolidasyon na ibinigay ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na nakatakda nang matapos sa Abril 30.
Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, kapag natapos na ang extension ay hindi na papayagang mag-operate ang mga PUJ na hindi nag-consolidate ng prangkisa.
“I have to reiterate again, hanggang April 30 na lang ito. We need to consolidate kasi ‘yun ang unang part ng modernization, before the fleet management would come in… We will revoke those franchises and we will only allow those who consolidating to ply the routes of Metro Manila,” sabi ni Guadiz.
Ang ilang transport groups, kabilang ang MANIBELA, ay matatag sa kanilang pagtutol sa pagsasama-sama ng mga prangkisa, at sinabing magsasagawa sila ng dalawa pang protesta bago ang deadline.
Matatandaang kamakailan lang ay nagpalabas ng anunsiyo ang MANIBELA na magsasagawa sila ng malawakang kilos-protesta sa darating na Abril 14 at 30.
EVELYN GARCIA