BALAK ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na ipabenta sa Kadiwa Stores ang mga baboy na negatibo sa African swine fever (ASF) at bawal alagaan sa lungsod.
Kasunod ito ng kanyang panawagan sa mga backyard farmer sa lungsod na isuko na hanggang sa katapusan ng buwan ang kanilang mga alagang baboy upang makatanggap ng pinansiyal na tulong at hindi maparusahan.
“Sa atin pong barangay na may backyard piggeries sa Barangay Payatas at Bagong Silangan, isuko na po natin yan,” ang mensahe ni Belmonte sa isang press conference.
Sa ngayon, anya, ay may naiulat sa kanila na 240 na backyard piggeries sa lungsod, partikular sa Barangay Payatas at Bagong Silangan.
Ayon sa alkalde, may impormasyon sila na patuloy ang mga small hog raiser sa pag-aalaga ng baboy bilang kabuhayan sa kabila ng ordinansa na ipinagbabawal ang pag-aalaga ng mga baboy at manok sa highly urbanized areas na tulad ng Quezon City.
Sinabi ni Belmonte na maaari itong bilhin ng lokal na pamahalaan at ipabenta na lamang sa Kadiwa Stores upang tuluyan nang maipasara ang naturang mga backyard hog raising farm.
Ito ay bahagi rin, aniya, ng pakikiisa ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Quezon sa pinaigting na hakbang kontra ASF ng Department of Agriculture (DA).
Ipinaliwanag ni Belmonte na sa halip na magpataw ng multa ay maglalaan ang pamahalaang lungsod ng financial assistance kapalit ng boluntaryong pagsuko ng kanilang mga baboy.
Aniya, magkakaroon ng special session ang QC Council para sa isang ordinansa na magbibigay awtorisasyon sa LGU na makapagbigay suporta at maalalayan ang mga apektadong residente.
“Kaya ko ipaapruba ‘yan kahit sa loob ng isang araw,” sabi ni Belmonte.
Noong 2020, nagpasa ang city government at Quezon City Council na ngayon ay ipinatutupad ng City Ordinance 2990-2020 na nagsasaad ng pagbabawal sa piggeries at poultry farms sa lungsod para sa food o meat production.
Ito ay dahil ang Quezon City ay klasipikado bilang highly urbanized city na pinagbabawalang magkaroon ng piggery at poultry sa ilalim ng Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) Resolution No. R-674,s-2000.
Sa ilalim ng naturang ordinansa, may penalty na hanggang P2,000 at pagkakakulong ng hanggang tatlong buwan o pareho sa lalabag sa naturang ordinansa, depende sa discretion ng korte sa first offense.
Sa second-time violators, may multang P3,000 at limang buwang pagkakakulong, habang sa ikatlong offense, may multang P5,000 at isang taon na pagkakakulong.
Sa kanyang panawagan sa mga backyard hog raiser, hanggang August 31 lamang maaaring boluntaryong magsuko ng hog growers upang makakuha pa ng financial assistance.
Subalit ang mga nakasaad na ipapataw na parusa sa mga violators ay ipapataw sa mga hindi tatalima hanggang August 31. MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA