SIMULA sa Nobyembre 14 ay palalawigin na ang oras ng operasyon ng mga mall sa Metro Manila, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sinabi ni MMDA spokesman Mel Carunungan na sa weekdays ay magbubukas ang mga mall simula alas-11 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi. Tatagal ang adjusted operational hours sa Enero 6, 2023.
Ang mga mall ay karaniwang nagbubukas ng alas-10 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi, ngunit dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga mamimili tuwing holiday season ay napilitan ang mga awtoridad na hilingin sa mga mall operator na i-extend ang oras ng kanilang operasyon tulad noong mga nakaraang taon.
Ayon sa MMDA, base sa kanilang pag-aaral, ang kasalukuyang dami ng mga sasakyan sa Metro Manila ay nasa 400,000 kada araw.
Sa inaasahang Christmas rush, nasa 50,000 sasakyan ang maaaring madagdag sa mga lansangan na lalong magpapasikip sa trapiko.
Nakiusap din si Carunungan sa mga mall owner na gawin ang kanilang sale promotions tuwing weekend.
“In addition to this, sana po ‘yung sale nila [malls] sana ay gawin sa weekends,” aniya.