HANGGANG Biyernes na lamang, October 25, 2024 papayagan ang publiko na makapaglinis, mag-ayos at magkumpuni ng libingan ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa Manila North Cemetery at nilinaw pa ng pamahalaang Lungsod ng Maynila na hindi na papalawigin pa ang itinakdang deadline kaugnay sa paghahanda sa Todos Los Santos.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, ang advisory ay ipinarating na sa publiko noong unang linggo pa lang ng Oktubre, higit na mas maaga sa petsa ng paggunita sa All Saints’ Day at All Souls’ Day tuwing Nobyembre 1 at 2, upang mabigyan ang publiko ng sapat na panahon para maglinis ng libingan ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay.
Ang maagang advisory ay upang bigyan ang mga bibisita ng sapat na panahon para makapaghanda dahil ang MNC sa pamumuno ni Director Yayay Castaneda, ang pinakamalaking sementeryo sa bansa at nakapagrehistro rin ng pinakamaraming bisita taun-taon lalo na tuwing Nobyembre 1 at 2.
Bukod sa itinakdang October deadline para sa paglilinis at pag-aayos ng mga puntod ay nagpalabas din ng advisory ang tanggapan ni Castaneda na nagsasaad na suspendido rin ang cremation pagkatapos ng Oktubre 28.
Ang tanggapan naman ng MNC ay sarado mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 3 at lahat ng serbisyo kabilang ang cremation at libing ay babalik sa Nobyembre 4.
Mula naman Oktubre 24 hanggang Nobyembre 4, ang main gate ng MNC ay bukas lamang mula ala-5 ng umaga hanggang ala-5 ng hapon.
Nanawagan ang alkalde sa publiko na sundin ang karaniwang ipinagbabawal at upang makaiwas sa aberya gaya ng nakalalasing na inumin ay bawal, gayundin ang mga alagang hayup, flammable materials tulad ng thinner at pintura, baril, kutsilyo o mga katulad na bagay, mga paraphernalia para sa gambling at pagpapatugtog ng malakas.
Hinikayat din ang publiko na gamitin ang mga natitirang araw bago pa sumapit ang itinakdang Oktubre 25 deadline sa halip na magkumahog sa mismong araw ng deadline.
VERLIN RUIZ