PINALAWIG ng Land Transportation Office (LTO) ang deadline sa paggamit ng improvised at temporary plates para sa motor vehicles subalit iginiit na yaong may mga plaka na ay dapat na itong ikabit.
Ayon sa LTO, ang deadline ay iniurong ng tatlong buwan sa Disyembre 31, 2024, mula sa naunang inanunsiyo na Setyembre 1, 2024.
“We ask the motorists to claim and install their respective plates as soon as they are available either in the car dealerships or replacement platers in our offices,” wika ni LTO chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II.
“Wala na pong backlog sa mga four-wheeled vehicles so there is no reason for these vehicle owners not to claim and install them in their vehicles,” dagdag pa niya.
Nauna nang nag-isyu ang LTO ng memorandum circular laban sa paggamit ng improvised at temporary plates makaraang lumitaw sa imbestigasyon na hindi kinukuha ng registered owners ng mga sasakyan ang kanilang plaka mula sa motor vehicle dealerships.
Sinabi ng ahensiya na nakipagpulong sila sa car dealers noong Hulyo, at napag-alaman nila na hindi nakuha ng mga kliyente ang kanilang mga plaka sa kabila ng paulit-ulit na mensahe.
“Ang natitira na lamang pong backlog ay mga plaka sa mga motorsiklo at ito po ay ang focus namin ngayon in compliance with the directive from President [Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.] to address all the backlog on license plates by June next year,” ani Mendoza.
Gayunman, sinabi ni Mendoza na sa kabila ng deadline extension, ipagpapatuloy ng LTO ang pagtutulak sa vehicle owners na kunin ang kanilang license plates. Inatasan din niya ang regional directors at district office heads na makipag-ugnayan sa local government units para sa distribusyon.
Ang LTO ay may mandatong magrehistro ng motor vehicles, mag-isyu ng drivers’ o conductors’ licenses at permits, magpatupad ng transportation laws, rules, and regulations, at mag-adjudicate ng apprehension cases.