WALANG inaasahang pagtaas sa presyo ng bigas ang Department of Agriculture (DA) hanggang sa kaagahan ng 2024.
Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel De Mesa, inaasahan ng pamahalaan ang mas matatag na suplay ng bigas kasunod ng pagsisimula ng anihan at ng nakatakdang pagdating ng imports.
“Mataas ang ating harvest ngayong wet season magmula po noong katapusan ng Agosto, ngayong Setyembre hanggang Oktubre hanggang Nobyembre po ay inaashaan po natin na wala po tayong inaasahan na pagsipa pa ng presyo at kung papasok pa po ang additional imports natin nitong huling buwan ng Septyembre, pumalo po ito sa mahigit 271 thousand metric tons at historically marami pa rin naman iyong pumapasok sa last quarter ng bahagi ng taon,” sabi ni De Mesa sa isang televised briefing.
Aniya, maaaring pumalo ang national inventory stocks hanggang 77 days ngayong buwan ng Oktubre at sa buwan ng Nobyembre, at sa katapusan ng pagaani para sa wet season ay inaasahan na papalo ito ng 94 days.
“ Wala pa po dito nang import, so maasahan po natin na maganda at malaki po iyong national inventory ng Pilipinas,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi ng DA na posibleng tumaas ang presyo ng itlog sa Disyembre sa gitna ng pagtaas ng demand.
Gayunman ay magiging sapat ang suplay ng itlog para sa demand.
“Magtatas ito ng dahil pero dahil stable naman ang supply, hindi natin inaasahan na talagang magkakaroon very steep na pagtaas ng presyo nito,” ani De Mesa.